SA pagbabagong-bihis ng TV5 ngayong 2016, isa sa mga pinag-uukulan ng pansin ang kanilang news and current affairs department. Kaya naman buhay na buhay ang Aksyon 5 tuwing umaga dahil sa ginawang pagbabago.

Nawala si Lourd de Veyra at ibinalik si Erwin Tulfo with Manu Sandejas. Steady pa rin sina Martin Andanar at Grace Lee bilang miyembro ng pang-umagang programa ng Kapatid Network from 5 to 6:30 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes.

Bukod sa Aksyon, isa sa pinakaaabangang public service program ng TV5 ang T3 ng magkakapatid na Tulfo (Ben, Raffy at Erwin).

Kuwento ni Erwin sa amin, marami ang nagsasadya sa istasyon para humingi ng tulong at payo. Araw-araw ay libu-libong tao ang dumadagsa sa TV5 para magsumbong ng kani-kanilang problema.

Pelikula

‘Lagot ka kay Bro!’ Zaijan Jaranilla, Jane Oineza nagsagpangan sa bagong pelikula

“’Pag pumunta ka sa audience entrance at any given time, para kang pumipila at manonood sa It’s Showtime at Eat Bulaga,” kuwento ni Erwin sa amin.

Kaya humihingi siya ng paumanhin sa mga hindi kaagad nabibigyan ng pagkakataon.

Sumasailalim pala sa matinding screening ang mga bisita at komporme sa idinudulog na problema ang unang bibigyan ng pansin.

“Karamihan kasi ng ini-screen namin ‘yong immediate (ang problema), kunwari may kailangang umuwi na OFW, mamatay na o ginagahasa or may emergency, gaya ng nakulong ‘yung anak niya na wala namang kasalanan. Pero mga karaniwan kasi 

diyan ‘yung awayan sa lupa, at ‘pag tungkol sa lupa (ang problema) iniri-refer namin sa abogado,” ani Erwin.

Wala raw sa kanyang bokabularyo ang pressures na dulot ng mga katapat na morning show gaya ng Umagang Kayganda at Unang Hirit.

“Pinapanood ko rin sila, walang iniwan ‘yan ‘pag may kakumpetensiya kang tindahan, di ba? Tinitingnan mo ‘yung kaharap mong tindahan, ‘ano kaya’ng meron sila at dinadayo sila?’ So gagawa ka rin ng gimik para dadayuhin ka rin ng mga tao. Ito ‘yong naisip namin na gimik, we’ll put up a public service pero may twist,” pagbibida pa ng matapang na news anchorperson.

Nagbigay din ng opinyon si Erwin tungkol sa mataas na rating na ibinigay ng SWS Pulse Asia survey kay PNoy.

“Karamihan sa mga naging presidente natin after Marcos na ‘pag pababa na ang presidente bumaba na rin ang rating dahil inutil na. Ang tanong ko kasi kung pagkakatiwalaan ba itong SWS Pulse Asia. Tinanong ko si Prof. Casiple, ang sabi niya kayo na mag-isip n’yan kasi nga nakapagtataka na, wala na ngang ginagawa, wala nang performance ‘yung tao pero ‘yung trust rating sumisirit pa rin paitaas?” natatawa niyang sabi.

“Eh, ‘ala na ngang performance, sira-sira ‘yung MRT ‘di pa pinirmahan ‘yung SSS, ‘yong income tax hindi rin ‘binabigay pero tumatas ang rating, paano nangyari ‘yun? Magic?”

Wala siyang binanggit in particular sa susuportahan niyang presidente ngayong 2016.

“Secret, akin na lang ‘yun kasi nasa news ako kailangan ‘di bias. Andiyan sina Grace, Duterte, Binay at Mar. Kayo na bahala,’ aniya. (ADOR SALUTA)