Patay ang anak ng isang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan makaraang sumemplang ang sinasakyan niyang motorsiklo sa Daanghari Road, Barangay Pasong Buaya, Imus, Cavite, kamakalawa ng hapon.
Dead on arrival sa De La Salle University Medical Center si Jose Jerico B. Lara, 27, ng Block 22, Lot 10, Area C, Dasmariñas City.
Ang biktima ay ikaapat na anak ni Fourth District (Dasmariñas) Board Member Teofilo Banda Lara.
Base sa imbestigasyon, sinabi ni Supt. Redrico A. Maranan, Imus City Police chief, na sakay si Lara sa isang motorsiklo habang tinatahak ang Daanghari Road, Bgy. Pasong Buaya, nang bigla itong magpagewang-gewang matapos mapuruhan sa isang malaking lubak bago tuluyang sumemplang.
Sinabi pa ni Maranan na kasama ni Lara ang kanyang mga ka-grupo sa isang motorcycle club nang mangyari ang sakuna, dakong 1:30 ng hapon nitong Linggo.
Ang pagkamatay ni Lara ay ikalawang insidente na ng motorcycle-related accident sa lugar na kapwa nangyari nitong Linggo, ayon sa pulisya. (Anthony Giron)