Mas nanaisin pa rin ng Commission on Elections (Comelec) na mga guro sa mga pampublikong paaralan ang magsilbing Board of Election Inspectors (BEIs) sa eleksiyon sa Mayo 9.

Ito ang dahilan, ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, kaya naman hinihimok pa rin ng poll body ang mga guro na mag-volunteer bilang BEIs.

Ito ay sa kabila ng pagkakapasa ng Kongreso sa Senate Bill 2178 o ang Election Service Reform Act, na hindi na mag-oobliga sa mga guro na magsilbi sa halalan.

Sinabi ni Bautista na plano ng Comelec na magtakda ng mga panuntunan na mas pipiliin pa rin ng komisyon ang mga guro para magsilbing BEI.

Eleksyon

4 patay, 12 sugatan sa araw ng eleksyon dulot ng election-related violence—PNP

Ngunit kung hindi available ang mga pampublikong guro, sinabi ni Bautista na maaaring kunin na kapalit ng mga ito ang mga kawani ng gobyerno.

Tiniyak din ni Bautista na itatalaga lamang nilang BEI ang mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) sa “extreme situations”.

“We don’t want that (militarisasyon ng BEIs). That is our last option... the last thing we want to happen,” ani Bautista.

“We believe they (PNP) should only come in during very extreme situations, when there is a real peace and order problem so much so that there is really no one willing to serve as BEIs. At this point, our police should really get into the picture,” paliwanag ni Bautista.

Nasa 300,000 public school teacher ang kinakailangan upang mangasiwa sa 95,000 clustered polling precincts sa bansa. (LESLIE ANN G. AQUINO)