Diringgin ng Commission on Elections (Comelec) ngayong linggo ang mga petisyon ng mga partidong pulitikal para maideklarang dominant majority at dominant minority party sa eleksiyon sa Mayo 9.
Batay sa Comelec Resolution 9984, itinakda ng Comelec ang pagdinig sa mga petisyon na inihain ng 16 na national at local party dakong 2:00 ng hapon, sa Pebrero 4, sa punong tanggapan ng Comelec sa Palacio del Gobernador Building sa Intramuros, Maynila.
Bukod dito, diringgin rin ng Comelec ang mga petisyon ng mga partido na nais na mapabilang sa 10 major political party at dalawang major local party.
Kabilang sa mga partidong naghain ng petisyon para maideklarang dominant majority party at dominant minority party at makabilang sa 10 major political party ang National Unity Party, Liberal Party, Aksyon Demokratiko, Kilusang Bagong Lipunan, Achievement with Integrity Movement, Lakas-Christian Muslim Democrats, National People’s Coalition, Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan, Nacionalista Party, United Nationalist Alliance, at Laban ng Demokratikong Pilipino.
Kabilang naman sa mga naghain ng petitions for accreditation para maging dalawang major local party ang Kusog Baryohanon, Kabalikat ng Bayan at Kaunlaran, United Negros Alliance, Partido Abe Kapampangan, at Arangkada San Joseño, Inc.
Sinabi naman ng Comelec na dedesisyunan nila ang mga petisyon batay sa record ng mga partido at mga itinakdang criteria para rito.
Ang mga maidedeklarang dominant majority at dominant minority party ay makakakuha ng mga kopya ng mga election returns (ERs), electronically transmitted precinct results, at kopya ng certificates of canvass, bukod pa sa papayagan silang magtalaga ng mga official watcher sa polling places at canvassing centers. - Mary Ann Santiago