Dahil kinapos na sa panahon para maipasa ang panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) sa 16th Congress, lilikha ang administrasyong Aquino ng isang “action plan” upang mapanatili ang prosesong pangkapayapaan sa Mindanao kahit tapos na ang termino ni Pangulong Aquino.
Inatasan ni Pangulong Aquino si Presidential Adviser on the Peace Process Teresita Deles na pangunahan ang mga konsultasyon sa Mindanao peace plan sa iba’t ibang stakeholder, kabilang na ang Moro Islamic Liberation Front (MILF), ayon kay Presidential Communications Operations Herminio Coloma Jr.
Inilabas ng Presidente ang direktiba matapos ihayag ng mga leader ng Kongreso na imposible nang maipasa ang BBL na isinusulong ng Malacañang dahil sa kakapusan ng panahon. Mag-a-adjourn na ang Kongreso ngayong linggo dahil magsisimula na ang kampanya para sa eleksiyon sa Mayo 9.
“Through Executive Secretary (Paquito) Ochoa, the President has directed the Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) to firm up in consultation with stakeholders an action plan for promoting the peace process in the transition period during the remainder of the current administration’s term and up to the assumption of the next administration,” sinabi ni Coloma sa isang panayam sa radyo.
Ayon kay Deles, isasama nila ang MILF sa proseso ng konsultasyon upang matiyak na maipatutupad ang kasunduang pangkapayapaan pagkatapos ng termino ni Pangulong Aquino.
“We will still need to do consultations including and especially with the MILF, but measures will include strengthening existing peace bodies and mechanisms to include the Bangsamoro Transition Commission, ceasefire and other joint security mechanisms, joint bodies for socioeconomic interventions,” saad sa pahayag ni Deles.
Matapos lagdaan ang kasunduang pangkapayapaan sa MILF noong Marso 2014, mariing isinulong ni Pangulong Aquino ang pag-apruba sa BBL upang maisakatuparan ang kaunlaran at pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
Gayunman, naapektuhan ang deliberasyon ng Kongreso sa BBL sa mga akusasyong kuwestiyonable ang legalidad ng ilang probisyon nito, na pinalala pa ng engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao na kinasangkutan ng MILF noong Enero 25, 2015.
Sa kabila nito, iginiit ni Pangulong Aquino ang pagpapasa sa BBL, ngunit nabimbin na ito nang tuluyan sa Kamara, na namroblema naman sa kawalan ng quorum.
Kinuwestiyon din ang BBL sa Senado, at gumawa pa ng bersiyon nito si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. - Genalyn D. Kabiling