LUCENA CITY, Quezon – Isang 25-anyos na babae at siyam na taong gulang na babaeng pamangkin niya ang namatay makaraang masunog ang kanilang bahay sa Barangay Dalahican sa lungsod na ito nitong Sabado ng umaga.

Kinilala ng pulisya ang mga biktimang sina Christine Bayrante Jacela, 25, dalaga, self-employed; at Chris Elaine Jacela Galvez, 9, kapwa taga-Purok 5 sa siyudad na ito.

Ayon sa mga ulat, dakong 5:00 ng umaga nang natuklasan ang mga sunog na labi ng magtiyahin sa loob ng kanilang silid sa unang palapag ng bahay na pag-aari ni Elena Bayrante Jacela, ina ni Christine at lola ni Chris Elaine.

Batay sa imbestigasyon, iniulat na nagsimula ang sunog mula sa basket ng mga labahin, at agad na nadilaan ng apoy ang kubrekama na hinihigaan ng magtiyahin.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Binanggit pa sa ulat na bago ang sunog, namataan ni Elena ang anak na naninigarilyo pagdating nito sa bahay.

Base naman sa inisyal na imbestigasyon ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ng pulisya, walang natukoy na foul play sa insidente, bagamat isasailalim pa rin sa awtopsiya ang bangkay ng mga biktima upang matukoy ang ikinasawi ng mga ito. (DANNY ESTACIO)