SA dinami-rami ng kapalpakan ng kasalukuyang gobyerno, ang pag-veto ni Pangulong Aquino sa sss pension hike ang pinakamatindi. Ang isyung ito ay noong isang linggo pa lumabas matapos bigyang-pansin ng mga mamamahayag sa diyaryo, radyo, at telebisyon. At hanggang ngayon ay patuloy pa ring pinag-uusapan. Ang ngitngit ng mga tao ay hindi matapus-tapos. Ang hinanakit ng mga pensioner ay halos magbaga. Kung totoo lamang ang sumpa, matagal na sigurong naapektuhan ang Pangulo. Ngunit parang walang epekto ang sumpa. Matikas, makapal at matigas ang ating “alipin” sapagkat ayon sa kanya ay tayo ang kanyang mga “boss” na lagi niyang binubusabos.
Teka, paano nga ba niya nasabing malulugi ang SSS?
Tingnan natin sa puntong ito. Ang SSS sa pagkakaalam ng kolumnistang ito ay para sa kapakanan ng mga manggagawa. Habang hindi pa nagreretiro ang isang empleado at hindi pa umaabot sa tamang panahon ay panay ang hulog o bayad sa SSS na kinakaltas sa kanilang kinikita noong sila ay nagtatrabaho pa at naglilingkod sa bayan. Inaasahan nilang ang tatanggapin nilang pension ay panlaan nila sa kanilang gamot, pagkain at maging sa kamatayan. Totoo na taun-taon ay dumarami ang mga nagsisipagretiro. Pero taun-taon din naman ay may mga nagsisipagtapos ng pag-aaral at nagkakatrabaho. Paanong malulugi kung mayroon namang mga bagong pumapalit?
Alam niyo kung ano ang TOTOO? Ang totoo ay HINDI lang talaga maipagkakaloob sa mga pensioner ang dagdag na P2,000 sa pension dahil sa mga sumusunod na dahilan ayon na rin sa pag-aaral ng mga dalubhasa.
Una, ang mga pinuno, direktor at iba pang opisyal ng SSS ay walang kaalaman sa kanilang trabaho. Itinalaga sila ng Pangulo sapagkat kamag-anak, kaibigan o kabarilan ng Pangulo. Kaya bawat hakbang ay palpak. Bawat sapiang kumpanya ay nalulugi, hindi nagsisikap na masingil ang mga dapat singilin sapagkat tanga na nga sa kanilang trabaho, ay mga tamad pa.
Isa pa, panay ang gastos sa paglalakbay kung saan-saan ng mga opisyal, saksakan ng lalaki ng bonus at kung anu-ano pang pangungurakot sa kaban ng SSS. Sa mga pribadong kumpanya, kapag lugi ay halos ayaw magbigay ng bonus.
Ang totoo, kung matitino, mahuhusay, matatalino at masisikap ang mga opisyal ng SSS, kayang-kayang ipagkaloob ang P2,000 dagdag sa mga pensioner na karaniwang sakitin at malapit nang matigok.
Ngayon, ang kanilang pension ay kulang dahil sa mahal ng kanilang mga gamot na iniinom araw-araw. (ROD SALNDANAN)