NALUKLOK sa kapangyarihan ang administrasyong Aquino noong 2010 sa gitna ng napakalaking pag-asa ng publiko sa magagawa nito. “Kung walang corrupt, walang mahirap” ang campaign slogan. Kapapanaw lang noon ng icon ng demokrasya na si Pangulong Corazon C. Aquino, at inihalal ng mamamayan ang kanyang anak na lalaki sa pag-asang ipagpapatuloy nito ang kanyang mga pamana habang pinamumunuan ang bansa.
Sa taunang corruption perception index na ipinalabas ng Transparency International noong 2010, naitala ang Pilipinas bilang ika-129 sa 168 bansa. May puntos itong 35 sa sukatang 0 ang “highly corrupt” at ang 100 ay “very clean”. Makalipas ang tatlong taon ng bagong administrasyon ni Pangulong Benigno S. Aquino III, tumaas ang puntos na ito sa 36 noong 2013, sa 38 noong 2014, at bumaba sa 35 bago umakyat uli sa 38 noong 2015. Ngayong 2016, muling dumausdos ang iskor sa 35.
Nakaapekto ang ilang pangyayari sa nakalipas na anim na taon sa pagkakaunawa ng publiko tungkol sa kurapsiyon sa Pilipinas. Matapos na mabunyag ang pork barrel – Priority Development Assistance Fund – scam noong 2013, inihain ang mga kasong pandarambong laban sa ilang senador at kongresista. Sa sumunod na taon, nagdesisyon ang Korte Suprema na ang PDAF, gayundin ang programa ng Malacañang sa paggasta, ang Disbursement Acceleration Program (DAP), ay labag sa batas.
Naging dahilan ang mabagal na usad ng mga kaso upang magkaroon ng opinyon ang publiko na hindi ganoon ka-epektibo ang kampanya ng gobyerno laban sa kurapsiyon, kaya bumaba ang puntos ng Pilipinas sa huling ulat ng Transparency International.
Gayunman, mahalaga pa rin ang pag-aaral na ito. Ipinakikita nito kung ano ang pananaw ng mundo tungkol sa Pilipinas sa usapin ng kurapsiyon, kumpara sa ibang mga bansa. Makatutulong na mabatid natin na sa listahan, na ang Denmark ang tinukoy na pinaka-hindi laganap ang kurapsiyon sa lahat ng bansa, ay nasa ika-95 lamang tayo. Sa bahaging ito ng mundo, sa East Asia, sumusunod tayo sa Taiwan na pang-30; South Korea, pang-37; at Malaysia, ika-54. Ngunit nakauungos tayo sa Vietnam, ika-112; Laos, pang-139; Myanmar, pang-147; at Cambodia, ika-150. Dumausdos ang Pilipinas mula sa pang-35 noong 2015 at naging ika-38 ngayong 2016. Maaari itong mangahulugan na nanamlay ang ating pagsisikap sa pagpapatupad sa kampanya ng bansa laban sa kurapsiyon.
Bilang reaksiyon sa huling ulat na ito ng Transparency International, sinabi ni Communications Secretary Sonny Coloma ng Malacañang na ipinagpapatuloy ng gobyerno ang pagpapatatag sa mga pampublikong institusyon upang maimulat at maipaunawa sa mga naglilingkod sa pamahalaan ang pilosopiya ng transparency at public accountability. Muli nitong binigyang-diin ang pangunahing pagsisikap ng administrasyon laban sa kurapsiyon—isang layunin na, sa kabila ng mga hadlang, ay dapat na patuloy nating isakatuparan.