Inihayag kahapon ng Department of Labor and Employment (DoLE) na magpapatuloy ang deployment ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa mga bansa sa Latin America na may kaso ng Zika Virus Disease (ZVD).

Sa isang text message, sinabi ni DoLE Secretary Rosalinda Baldoz na naghihintay pa ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ng abiso mula sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Health (DoH) bago nito pigilin ang pagpapadala ng mga OFW sa 23 bansa sa rehiyon na apektado ng ZVD.

Magpapatupad lang ang POEA ng deployment ban kapag itinaas na ng DFA ang crisis alert level 2 o ang restriction phase sa mga bansang apektado ng Zika virus.

Sa kabila nito, hinihimok ng DoH ang mga buntis na ipagpaliban ang kanilang pagbibiyahe sa rehiyon bilang precautionary measure.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Ito ay kasunod ng pag-uugnay ng World Health Organization (WHO) sa epidemya ng sakit na nakukuha sa kagat ng lamok sa pagdami ng kaso ng birth defects sa mga sanggol sa Latin America.

Una nang tinaya ng WHO na aabot sa apat na milyong katao ang maaapektuhan ng ZVD outbreak. - Samuel P. Medenilla