Nagtala ng 17 puntos na binubuo ng 15 hits at 2 aces ang reigning back-to-back MVP na si Marck Espejo upang pangunahan ang defending men’s champion Ateneo de Manila sa kanilang straight sets win kontra University of Santo Tomas, 25-21, 25-18, 29-27, kahapon sa pagbubukas ng UAAP Season 78 volleyball tournament sa San Juan Arena.

Nag-ambag naman ng tig-11 puntos ang mga kakampi ni Espejo na si Ysay Marasigan Rex Intal para sa nasabing panimula ng target na back-to-back championship ng Blue Eagles.

Wala naman ni isa na nakapagtala ng double digit para sa rookie-laden Tigers na pinangunahan ni Arnold Bautista na umiskor lamang ng 8 puntos.

Literal na pinaulanan ng Ateneo ng spikes ang Tigers sa larong nakapagtatakang umabot pa ng isang oras at 20 minuto matapos nilang malimitahan sa 23 hits ang mga ito kumpara sa itinala nilang 103 gayundin sa aces kung saan gumawa ang una ng 7 kumpara sa nag-iisang ace ni Jason Sarabia para sa UST.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Sa isa pang laban, winalis din ng Far Eastern University ngunit sa isang dikdikang straight sets ang University of the Philippines, 25-23, 26-24, 25-23.

Nagtala ng 12 puntos si Jeric Gacutan para pangunahan ang unang panalo ng Tamaraws habang nag-ambag naman ang mga kakamping sina Greg Dolor,John Paul Bugaon, at Jude Garcia ng kabuuang 22 puntos.

Gaya ng naunang laban, pinulbos din ng Tamaraws sa hits ang Maroons, 93-33, ngunit nakabawi naman sa blocks at aces ang huli matapos ungusan ang una, 7-5 at 5-3, ayon sa pagkakasunod.

Pinangunahan ni Wendell Miguel ang losing cause ng Maroons sa itinala niyang game-high na 13 puntos. - Marivic Awitan