SA mahigit 50 milyong botante sa bansa na pipili ng susunod na pangulo, pangalawang pangulo, mga senador, mga kongresista at mga lokal na opisyal, inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na pitong kandidato sa pagkapangulo ang maaaring suriin at pagpilian. Sila ay sina Vice Pres. Jejomar Binay ng UNA; Sen. Grace Poe (Independent); ex-DILG Sec. Mar Roxas (Liberal Party); Mayor Rodrigo Duterte (PDP-Laban); Sen. Miriam Defensor-Santiago (People’s Reform Party); Rep. Roy Seneres (Partido ng Manggagawa at Magsasaka Workers and Peasants Party); at Mel Mendoza (Pwersa ng Masang Pilipino).

Anim naman ang kuwalipikadong kandidato sa pangalawang pangulo at ito ay sina Sens. Alan Peter Cayetano, Francis Escudero, Ferdinand Marcos Jr., Gregorio Honasan, at Camarines Sur Rep. Leni Robredo. Itinatanong ng kaibigan kong palabiro pero sarkastiko kung ano na ang nangyari sa kandidatura nina, alyas Satanas, Hitler, Lapu-Lapu, at ng Ambassador to Intergalactica.

Sabad ni Tata Berto: “’Wag mo nang pansinin ang mga iyon. Baka si Satanas ay nagbalik na sa impiyerno. Si Hitler ay lumipad na sa Germany, si Lapu-Lapu ay umuwi na sa Cebu, at si Ambassador Intergalactica ay nasa himpapawid na ngayon.” Ang mga ito ay maliwanag na mga “panggulo o pambuwisit” na kandidato lamang na ginagawang katatawanan ang halalan.

Kahit papaano ay may magandang balita para sa mga guro na may gagampanang tungkulin sa darating na eleksiyon bilang mga miyembro ng Board of Election Inspectors (BEI). Sa press conference tungkol sa Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Comelec, Department of Education (DepEd), at Department of Science and Technology (DoST), kinumpirma ni Chairman Andres Bautista na makatatanggap ang mga ito ng dagdag na P2, 000 bilang honorarium.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Maraming salamat Mang Andres sa dagdag na P2,000 honorarium para sa mga guro na bunsod ng kahirapan ay nagtitinda ng longganisa, tuyo, tsitsirya at iba pang kakanin sa paaralan upang madagdagan ang kakapurit na suweldo gayong ang mga kandidato ay milyun-milyon o baka bilyun-bilyon piso ang ginagastos sa political ads at sa pamimigay ng cash money at mga supot ng kape, asukal, sardinas upang mabingwit ang boto ng mga gutom na botante.

Ipinahayag ni Sen. Grace Poe ang kanyang saloobin at siya ay nakalulungkot kung siya ay ididiskuwalipika ng Supreme Court dahil sa pagiging foundling o pulot na hindi malaman ang tunay na citizenship. Gayunman, umaasa siyang tatangkilikin siya ng Korte Suprema sa kabila ng mga kasong diskuwalipikasyon na inihain sa kanya ng ilang tao na hindi malaman ang tunay na motibo. Ayon sa kanya, hindi niya kasalanan na maging isang foundling at naniniwala siyang siya ay natural-born Filipino dahil sa simbahan ng Jaro, Iloilo siya natagpuan. Magiging kawawa ang libu-libong foundling kapag idineklarang sila ay hindi mga Pilipino.

May kasabihang walang permanenteng kaibigan o kaaway. Nangyayari ngayon ito sa bansang Japan, US, at Pilipinas. Ang Japan ay mabangis na kaaway ng US noong World War II. Ngayon ay magkaibigan at magkaalyado na sila tulad ng Pilipinas. Dumalaw kamakailan sa ‘Pinas sina Emperor Akihito at Empress Michiko upang lalong palakasin ang ugnayang Pilipinas at Japan. Nakita ba ninyo ang larawan ni Michiko noong dalaga pa siya at isang tennis player? Wow, kayganda niya, kasingdilag ng bulaklak ng chrysanthemum. (BERT DE GUZMAN)