HINIHIMOK ng isang grupong nagsusulong sa reproductive rights ng kababaihan sa bansa ang mga kandidato sa pagkapangulo at iba pang tumatakbo para sa mahahalagang posisyon sa gobyerno sa Mayo 9 na isama ang “good health system” sa kanilang plataporma na pagbabasehan sa pagboto ng mamamayan sa kanila.
“There is a need that candidates, especially presidentiables, shall possess ‘awareness and humility’ in terms of evaluating and assessing programs that must be given priority,” sabi ni Commissioner May-I Fabros, ng WomanHealth Philippines.
Sinabi ni Fabros, na komisyuner din ng Philippine Commission for Women (PCW), na mahalagang gawing prioridad ng mga pinuno ng gobyerno ang mga programang pangkalusugan dahil ang pagpapabaya sa sistema ng kalusugan ay magdudulot ng magkakaugnay na epekto sa iba pang problema ng bansa.
Bilang halimbawa, tinukoy niya ang maagang pagbubuntis na inilarawan niya bilang isa sa mga sintomas ng maling sistemang pangkalusugan na kailangang tugunan at gawing prioridad sa platapormang pangkalusugan ng sinumang kandidato sa pagkapresidente.
“So, kung wala ang kalusugan sa plataporma nila at wala silang ganoong kahusay na pag-intindi sa dynamic ng isang geography kagaya ng sa Pilipinas na may 7,100 islands, ibig sabihin mahihirapan silang gumawa ng implementasyon sa anim na taon,” paliwanag niya.
Aniya, dapat na maging maingat ang mamamayan sa pagsusuri sa mga kuwalipikasyon ng mga kandidato sa larangan ng pagtutuon ng pansin ng mga ito sa mga inisyatibong pangkalusugan dahil mahalaga ang epektibong health system para maabot ng isang bansa ang kaunlarang pang-ekonomiya na inaasam nito.
“That is a concern for me, and I think it should be a concern for all of us, because health is our wealth. Kung walang mahusay na kalusugan, hindi ka makakapagtrabaho nang maayos. Hindi magiging produktibo ang ating bayan,” paliwanag pa ni Fabros.
Tinukoy din niyang halimbawa ang malaking pagpapahalagang ibinibigay ng Vietnam at Thailand sa kalusugan at edukasyon ng mga mamamayan nito bago pa man tutukan ang tungkol sa industriyalisasyon.
Aniya, mahalagang may puso at determinasyon ang mga kandidato upang pondohan ang mga programa na ganap na magsusulong sa de-kalidad at abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa komunidad. (PNA)