KAPANALIG, kasalukuyang ipinagdiriwang ng mga Katoliko ang 51st International Eucharistic Congress (51st IEC). Ito ay nagsimula noong Enero 24 at matatapos sa Enero 31, 2016. Tinatayang mahigit sa 16,000 katao mula sa iba’t ibang bansa ang kasalukuyang nakikiisa sa mga programa at sesyon nito.

Isa sa mga hindi makakalimutang kataga sa opening mass ng 51st IEC ay ang pahayag ni Cardinal Charles Bo ng Yangon, Myanmar. Ayon sa kanya, ang mga Pilipino ang “beacon of Catholicism” sa mundo. Sa pahayag na ito, kanyang binigyang-halaga ang espesyal at angat na pananalig ng mga Pilipino.

Kapanalig, ito ay isang aspeto ng ating buhay na hindi natin nabibigyan ng sapat na atensiyon. Ang lalim ng ating pagiging Katoliko ay nadadala natin sa iba’t ibang parte ng mundo. Hindi lamang sa pulpito at simbahan naipapakita ang pagmamahal sa Diyos, naipapakita rin ito sa uri ng pamumuhay, na puno ng debosyon, tradisyon, kaugalian at ritwal na ating dinadala sa daigdig sa pamamagitan ng migration.

Ito nga ang isang nakatagong milagro ng migration ng maraming Pilipino, na lagi nating nakikita na puno ng hirap at sakripisyo. Hindi natin nakikita na ang migration phenomenon ay isa rin palang makapangyarihang instrumento ng pagpapalawig ng Katolisismo sa buong mundo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa ngayon, tinatayang mahigit pa sa 10 milyong Pilipino ang naninirahan sa mahigit 200 bansa sa buong mundo bilang mga permanenteng migrante o overseas contract workers. Sa pagdami ng Pilipino sa iba’t ibang bansa, kung saan karamihan ay kakaunti lamang ang Katoliko, tumatayo silang liwanag at pag-asa. Sa kanilang simpleng pamumuhay, maaninigan ang ating pananalig, ang ating pagmamahal sa Katolisismo, at kay Kristo. Nakikita ng marami na ito ang mga pangunahing suporta, gabay, at inspirasyon sa buhay. Sa pamamagitan ng simpleng pamumuhay ng mga migranteng Pilipino, makikita ang sinag ng Katolisismo.

Kaya’t kahit nasaan ka man, taas noo nating ipagmalaki ang pagsasabuhay ng pagiging Katolikong Pilipino. Dala nito ay hindi lamang sakripisyo, kundi pag-asa, hindi lamang sa kapwa Pilipino, kundi sa lahat ng taong ating makakasalamuha saan mang panig ng mundo. Ayon nga kay Cardinal Bo, “In some parts of the world, Catholicism means Filipinos.” Ipagmalaki natin ang kapurihan at kapangyarihan ng Diyos.

Sumainyo ang katotohanan. (Fr. Anton Pascual)