TINAGURIAN siyang Pope of Compassion at sinisikap niyang makadaupang-palad maging ang mga hindi saklaw ng Simbahan. Noong 2014, nang bumisita siya sa Jerusalem, nagtungo si Pope Francis sa pinakamahahalagang lugar para sa mga Muslim at mga Hudyo at binalewala ang kanyang nakahandang talumpati upang manawagan sa mga mananampalataya ng tatlong malalaking relihiyon—ang mga Kristiyano, mga Muslim at mga Hudyo—“[to] love one another as brothers and sisters.”
Sinisikap din ni Pope Francis na unawain ang mga karaniwan nang itinatakwil sa mga seremonya ng Simbahan, kabilang ang mga bading at mga Katolikong diborsiyado. Para sa Holy Year of the Church na nagsimula noong Disyembre, nagsalita siya tungkol sa pagkondena sa moralidad ng kababaihang nagpalaglag ng sanggol at pinahintulutan ang mga pari, bukod sa mga obispo, na magbigay ng kapatawaran sa aborsiyon.
Nitong Lunes, humingi ng tawad si Pope Francis, nang magsalita siya sa taunang pagtitipon sa St. Paul’s Basilica sa Rome na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba pang relihiyon, sa mga Protestante at mga miyembro ng iba pang simbahang Kristiyano dahil sa pag-uusig na dinanas ng mga ito noon.
Batay sa kasaysayan, nagkaroon ng marahas na ugnayan ang dalawang grupong ito ng mga Kristiyano simula sa Protestant Reformation noong 1517 na pinangunahan ni Martin Luther, na nauwi sa digmaan, pagwasak sa mga simbahan at monasteryo, pag-uusig, at pagsunog sa mga erehe ng magkabilang panig. “Let us ask, above all, for forgiveness for the sins of our divisions,” sinabi ni Pope Francis sa St. Paul’s Basilica nang ihayag niya na dadalo siya sa pinag-isang serbisyo kasama ang mga Lutheran sa Lund, Sweden, na rito itinatag ang Lutheran World Federation noong 1947.
Sa kasalukuyan, karamihan ng mga non-Catholic Christian church sa mundo—kabilang ang pangunahing Protestante at ang mga evangelical denomination, ang Anglican Communion, at ang Eastern Orthodox Church—ay nasa ilalim ng World Council of Churches (WCC). Bagamat hindi kasapi ng WCC, nagpadala ang Simbahang Romano Katoliko ng mga accredited observer sa mga asembliya nito.
Hindi isinulong ng iba’t ibang simbahang Kristiyano ang organikong pagsasama-sama ngunit madalas na nagtutulungan ang mga ito sa mga ecumenical program sa panahong nangangailangan ng humanitarian emergency at upang maibsan ang kahirapan. Dahil sa mga bagong pagsisikap ni Pope Francis upang maipaabot ang kanyang mensahe sa mga Protestante sa mundo makalipas ang ilang siglo ng pagkamuhi, inaasam natin ang pagdating ng panahon ng ganap na pagkakaisa ng mga Kristiyano, para sa mas matibay na ugnayan ng ating mga pananampalataya.