Aabot na sa 500 ang mga indibiduwal na naaresto ng awtoridad dahil sa paglabag sa nationwide gun ban na ipinatutupad ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa seguridad na inilalatag ng gobyerno para sa eleksiyon sa Mayo 9.

Sinabi ni Chief Supt. Wilben Mayor, tagapagsalita ng Philippine National Police (PNP), na karamihan sa mga naaresto ay sibilyan na lumilitaw na hindi batid o binalewala ang ipinatutupad na gun ban.

“Again, we would like to inform the public that the privilege of carrying firearms outside of your houses is cancelled. You will be arrested and charged if you are caught with your firearms, even if they are licensed or even if you have permit to carry,” pahayag ni Mayor.

Aniya, halos lahat ay naaresto sa mga Comelec-PNP checkpoint sa mga estratehikong lugar sa bansa.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Simula nang ipatupad ang gun ban noong Enero 10, umabot na sa 47 ang naaresto sa gun ban habang 455 ang sibilyan at anim ang security guard.

Arestado rin ang tatlong opisyal ng gobyerno at apat na miyembro ng iba’t ibang law enforcement agency ng gobyerno.

Iginiit ni Mayor na maging ang mga pulis na hindi sumusunod sa gun ban ay hindi sinasanto sa Comelec-PNP checkpoint matapos maaresto ang dalawa sa kanilang kasamahan dahil sa pagbibitbit ng baril habang hindi nakasuot ng uniporme o naka-duty.

Bukod sa mga baril, nakakumpiska rin ang pulisya ng mga gun replica, granada, at iba pang pampasabog.

(Aaron Recuenco)