Tinalo ng Malaysian fighter na si Ev “E.T.” Ting ang Filipino na si Eric “The Natural” Kelly sa main event ng “ONE:Clash of Heroes” sa pamamagitan ng “submission” sa round three.

Nadomina ni Ting ang naganap na “striking exchanges” sa pagitan nila ni Kelly sa kabuuan ng laban habang wala namang nagawa ang Pinoy kundi ang dumipensa sa halos walang patid na pag-atake sa kanya ng Malaysian.

Sa third round napigil ni Ting si Kelly sa pamamagitan ng “Guillotine” of “front naked choke” habang nakatayo hanggang sa unti-unti niya itong maihiga at napilitang mag-tap out na simbolo ng pagsuko.

“Marat Gafurov I’m coming for you, where is that belt at?” pahayag ni Ting na naghahangad na makalaban sa ONE Featherweight World Championship.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

“With the new weight cut policy I wanna fight as much as I can and fight full time to feed my family. I want to fight Marat Gafurov. The fight was harder than I expected. I didn’t know he could take so much hits. I respect Kelly as a fighter and it was a great fight,” dagdag ni Ting.

Ipinakita naman ni Eduard “Landslide” Folayang ng Baguio City anmg tanyag na wushu base ng Team Lakay matapos dominahin ang nakatunggaling Hapon na si Tetsuya Yamada sa loob ng tatlong rounds.

Nagtala naman ang dating American freestyle wrestler na si Jake Butler ng first round stoppage kontra kay mixed martial arts veteran Tatsuya Mizuno.

Nakontrol ni Butler si Mizuno sa pamamagitan ng kanyang world-class wrestling mula sa opening bell,matapos pabagasakin ang huli sa canvas sa pamamagitan ng takedown.

Isang first round knockout naman ang itinala ni Geje “Gravity” Eustaquio kontra kay Saiful “The Vampire” Merican ng Malaysia.

Isang counter left hook sa mukha ang pinadapo ni Eustaquio na nagpabagsak sa Malaysian sa mat na naging dahilan upang itigil ng referee ang laban matapos ang isang technical ground kick galing sa Pinoy.

Nanatili namang walang talo si Samir Mrabet ng Brussels, Belgium matapos magtala ng second-round submission victory kontra Sami Amin ng Cairo, Egypt.

Nagwagi din sa pamamagitan ng submission si dating Pankration world champion, Christian “The Warrior” Lee kontra kay Mahmoud Mohamed ng Egypt. (MARIVIC AWITAN)