Hinimok kahapon ang Korte Suprema na pagpaliwanagin si Senator Grace Poe tungkol sa bago nitong TV campaign advertisement na “disrespects and tends to influence the court on the outcome of her three pending cases on disqualification.”
Nagsumite ng kopya ng kinukuwestiyong anunsiyo, sinabi ni Atty. Manuelito Luna, abogado ni dating Senador Francisco Tatad na isa sa mga nagsulong ng diskuwalipikasyon laban sa senadora na, “we are hoping that this would lead to a show cause order because this is a contemptuous act.”
Ang bagong TV ad campaign “is a disrespect of the proceedings and the sacredness of the cases and the issues involved,” giit ni Luna.
Nauna rito, sinabi ni Tatad sa Supreme Court (SC) na kailangan ang “swift and appropriate action” upang mapanatili ang “sanctity of the proceedings as well as promote the interest of justice.”
Sa bago, 30-segundong anunsiyo ni Poe sa telebisyon, apat na magkakapitbahay ang nagtatalakayan tungkol sa mga kaso ng diskuwalipikasyon laban sa senadora, na roon ay binigyang-diin ng isa sa mga magkakapitbahay na “Lola, kandidato pa rin po siya (Poe) bilang presidente.”
Sumagot ang lalaking kapitbahay: “Eh, ganyang-ganyan din ‘yung ginawa nila sa tatay niyang si FPJ, eh.” Dinugtungan naman ito ng babaeng kausap: “Pero sa huli, pinayagan ng Korte Suprema na tumakbo.”
“Given its content, there is no question that the ad is intended to sway the Honorable Supreme Court into ruling in favor of petitioner in the cases at bar, and thus, contumacious,” saad sa petisyon ni Tatad.
Iginiit naman ni Estrella Elamparo, isa pang naghain ng diskuwalipikasyon laban kay Poe sa Commission on Elections (Comelec), na ang senadora “[should] show respect to the court by pulling out her TV ad.” (Rey G. Panaligan)