Kinumpirma kahapon ng Philippine National Police (PNP) na naibigay na ang P7.4 milyong pabuya sa taong nagbigay ng impormasyon sa awtoridad hinggil sa kinaroroonan ng Malaysian terrorist na si Zulkifli bin Hir, alyas “Marwan”, sa Mamasapano, Maguindanao.

Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Director Chief Supt. Wilben Mayor, ibinigay na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pabuya sa nag-iisang impormante na hindi niya pinangalanan.

Hindi rin nagbigay ng karagdagang detalye si Mayor hinggil sa “instant millionaire” na tipster para sa kaligtasan nito.

Samantala, hindi pa rin naibibigay ang pabuyang $5 million na ipinangako ng US government sa impormante sa pinagtataguan ni Marwan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Aabot naman sa halos P200 milyon ang makukuha ng tipster kapag pinagsama ang pabuya sa nasabing operasyon, na nagbunsod ng pagpatay ng mga tauhan ng PNP-Special Action Force sa Malaysian bomb expert.

Target din ng PNP-SAF si Basit Usman nang ilunsad ang operasyon sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25, 2015, na rito ay brutal na napatay din ang 44 na police commando ng mga puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF). (Fer Taboy)