Inamin ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Andres Bautista na humahabol pa rin sila sa kanilang timeline sa paghahanda para sa synchronized national and local polls.

“It’s hard to put in percentage but, yes, we are still trailing... we are just continuing with our preparations,” wika niya sa paglulunsad ng run/walk advocacy ni Fr. Robert Reyes para sa malinis na halalan sa Manila nitong Biyernes.

Sinabi ng poll body chief na nasa mas mabuting posisyon na sila kumpara noong Mayo 2015, nang italaga siyang pinuno ng Commission.

“When I came in last May 2015, I felt like we were 20 points down. Now, we are only about 10 points down. We now have a good momentum. We can catch-up with it (timeline),” dagdag ni Bautista.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Inamin niya na nahuhuli na sila sa usapin ng pagsisimula ng pag-iimprenta ng mga official ballot, pagsasapinal sa listahan ng mga kandidato, pagkukumpleto sa source code certification, at pagsasagawa ng mga mock election.

Iniurong ang ballot printing mula Enero 26 sa Pebrero 8; habang ang mock elections na dapat idaos noong Enero 15 ay muling itinakda sa Pebrero 13.

Hindi pa rin kumpleto ang international certification ng source code dahil tanging ang sa Election Management System (EMS) ang naisailalim sa “trusted build” habang ang mga nasa Consolidation and Canvassing System (CCS) at Vote Counting Machines (VCMs) ay nagpapatuloy pa rin.

Idinagdag ni Bautista na naghahanda na sila para sa iba’t ibang milestones sa kanilang timeline sa mga darating na linggo.

“In the coming weeks, we will show to the people our preparations in the National Printing Office, hold the field and mock tests, among others,” aniya.

Samantala, sinabi ni Reyes na inilunsad nila ang “Paanalangin” advocacy campaign upang markahan ang 100 araw bago ang pagdaraos ng susunod na presidential elections.

Sinabi niya na nais nilang pagsamahin ang kapangyarihan ng dasal at simbolikong pagtakbo upang isulong ang malinis na halalan.

“Elections should not only be clean but also meaningful. The Comelec needs to be at the forefront in helping the people do their part in having clean and meaningful elections,” sabi ng paring Katoliko.

Habang tumatakbo, nagbitbit din sina Reyes, Bautista, at iba pang kalahok ng mga walis tingting upang ipakita ang kanilang hangarin na linisin ang bansa sa mga karahasan, pandaraya, vote-buying at vote-selling, at iba pang masasamang bagay kaugnay sa halalan.

“If the Comelec does not measure up to the people, the people will sweep them away. Even if they have fixed terms in office, we all know that they can be impeached. If we learn that they are part of the election cheating, they must be swept,” aniya. (PNA)