KUNG ang wika ay kaluluwa ng isang bansa, may nagsasabi naman na ang musika ang wika ng kaluluwa. Sa musika, naihahayag ang iba’t ibang uri ng emosyon tulad ng galak, kalungkutan, poot, lambing, pag-ibig, hinanakit, pagmamahal, at iba pa na ipadarama at naisasalin sa mga nota at himig ng isang awit at tugtugin. Kapag narinig na ang isang awit, ito ay nagsisilbing inspirasyon at parang ningas na bumubuhay sa nasyonalismo. Sa ganitong kalagayan, maihahanay at maihahambing ang ating pambansang awit, ang ‘Lupang Hinirang’ isang awit na kapag naririnig ay nagpapaalab ng damdaming makabansa at pagka-makabayan. Gumugunita sa mga naging karanasan at pagsubok ng ating bayan.
Taglay ng mga titik at himig ng pambansang awit ang kahapon, ngayon, at ang bukas ng iniibig nating Pilipinas. Ang kumatha ng Lupang Hinirang ay si Maestro Julian Felipe na ang kaarawan ay nitong Enero 28. Ngunit nakalulungkot sapagkat iilan na lamang ang nakakaalala sa kaarawan ng makabayang kompositor, guro sa musika at isang rebolusyonaryo. Si Maestro Julian Felipe ay maihahambing at kapantay ng mga dakilang kompositor sa daigdig na kumatha rin ng kanilang pambansang awit tulad nina Rouget de Lesli, ng France at Francis Scott Key ng America. Si Maestro Julian Felipe ay isinilang sa Cavite noong Enero 28, 1861. Pinakabunso sa 12 magkakapatid na anak ng isang latero, musikero at miyembro ng choir sa simbahan. Isang karaniwang maybahay ang ina ni Julian Felipe.
Nag-aral ng musika si Julian Felipe sa ilalim ng pagtuturo ni Leandro Cosca. Ang pagtugtog sa piano ay natutuhan naman niya kay Padre Pedro Catalan, isang prayleng musikero at kura paroko ng Cavite. Palibhasa’y isinilang na nasa dugo ang pagiging kompositor, nagpauloy si Julian Felipe sa pagsusulat ng mga tugtugin kahit abala sa pagtuturo ng musika sa mga bata sa kanilang lugar. Nagliwanag naman na parang apoy ang pagka-makabayan ni Julian Felipe nang ilunsad ni Andres Bonifcio, Ama ng Katipunan ang Himagsikan noong 1896. Tinigilan ni Julian Felipe ang pagsulat ng mga tugtugin at sumama siya sa kilusan sa pangkat ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Cavite.
Dahil sa pagsama sa Himagsikan, sina Julian Felipe ay dinakip ng mga Kastila at ikinulong sa Fort San Felipe sa Lungsod ng Cavite. Labintatlo sa mga kasamang rebolusyonaryo ni Julian Felipe ang nilitis at hinatulan ng kamatayan.
Sila ay nakilala bilang “Trece Martires” ng Cavite matapos barilin. Ang kanilang mga bangkay ay isinakay sa isang kariton na hila ng kalabaw at inilibing sa Caridad, Cavite. (CLEMEN BAUTISTA)