Naniniwala ang karamihan sa mga rehistradong botante sa eleksiyon sa Mayo 9 na hindi kumbinyente para sa mga person with disability (PWD) at senior citizen ang bumoto sa mga tradisyunal na voting precinct.
Matatandaan na kinontra ng ilang sektor ang panukala ng Commission on Elections (Comelec) na magbukas ng mga voting center sa mga shopping mall matapos maging matagumpay ang naturang set up sa isinagawang voters’ registration sa nakalipas na mga buwan.
Base sa resulta ng huling survey ng Social Weather Station (SWS), pinapaboran din ng karamihan ng mga botante ang pagtatatag ng mga voting center sa mga shopping mall, tulad ng isinusulong ng Commission on Elections (Comelec).
Lumitaw sa pre-election survey na isinapubliko kahapon na dalawa sa kada tatlong rehistradong botante na ang pagboto sa mga polling precinct ay hindi madali para sa mga PWD at senior citizen, habang tatlo sa bawat limang botante ang nagsabing makabubuti sa mga ito ang pagboto sa isinusulong na mall voting centers.
Isinagawa ng survey noong Disyembre 12-14, 2015, at kinapanayam ang 1,200 rehistradong botante sa May 9 elections.
Ang mga ito ang kinabibilangan ng 300 mula sa Metro Manila, at ang natitira ay mula sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Halos pantay din ang porsiyento ng mga rehistradong botante na nagsabing mas kumbinyente para sa mga PWD at senior citizen kung ang voting center ng Comelec ay itatatag sa shopping mall na malapit sa kanilang tirahan.
Tinanong sa survey: “The Commission on Elections or Comelec is considering establishing voting centers in some malls like SM, Robinsons and Ayala for the upcoming May 2016 elections. Do you agree or disagree if voting centers will be put in malls near you?”
“It will be easier for Persons with Disability (PWDs) to go to voting centers if voting centers will be put in malls near you,” saad sa survey, na lumitaw na 60 porsiyento ang pabor habang 31 porsiyento ang hindi pabor na nagresulta sa net agreement na +29. (VANNE ELAINE P. TERRAZOLA)