TAONG 1995 nang unang pumirma ng contract ang TAPE, Inc. sa GMA Network at simula noon, lahat ng mga show na pinu-produce nila sa pamamahala ni Mr. Antonio P. Tuviera sa blocktime, ay sa Kapuso Network na napapanood. Isa na rito ang long-time noontime show na Eat Bulaga na unang napanood noong 1979 pero sa iba munang channel. Fifteen years na silang nasa GMA.
Malapit nang mag-celebrate ng 37th anniversary ang Eat Bulaga, at nitong nakaraang Huwebes, January 28, muling pumirma ang TAPE, Inc. ng panibagong agreement sa GMA Network.
Present sa pirmahan ang buong Dabarkads na binubuo nina Sen. Tito Sotto, Joey de Leon, Jimmy Santos, Anjo Yllana, Ruby Rodriguez, Allan K, Patricia Tumulak, Jose Manalo, Wally Bayola, Paulo Ballesteros, Pia Guanio, Maine Mendoza at Alden Richards, maliban sa ikakasal na sina Vic Sotto at Pauleen Luna, kasama ang kanilang producer na si Mr. T at Senior Vice President and Chief Operating Officer Ms. Malou Choa-Fagar.
Sa pangkat ng GMA Network, present naman sina GMA Chairman and Chief Executive Officer Atty. Felipe L. Gozon, President and Chief Operating Officer Gilberto R. Duavit, Jr., Executive Vice President and Chief Financial Officer Felipe S. Yalong, First Vice President for Program Management Jose Mari A. Abacan at Vice President for Corporate Communications Angela Javier-Cruz.
“Twenty one years na kaming binigyan ng GMA ng isang tahanan at iyon ang naging dahilan para maipagpatuloy namin ang pagbibigay ng tuwa at saya sa aming mga manonood. Maraming salamat GMA sa inyong pagtitiwala,” saad ni Mr. Tuviera.
“Matagal na natin silang kasama,” pahayag naman ni Atty. Gozon. “There will be more success, more ratings, more friendship and more fellowship.” (Nora Calderon)