Hiniling ng isang prominenteng civil society group ang pagkakasibak ng mga party-list congressman bilang miyembro ng Kamara matapos silang maghain ng certificate of candidacy (CoC) sa kanilang pagkandidato sa iba’t ibang posisyon, kabilang sa pagkapangulo.

Kaugnay nito, sinabi ni House Majority Leader at Mandaluyong City Rep. Neptali Gonzales II na hindi maaaring isilbi ang bench warrant laban kay Marinduque Rep. Regina Reyes dahil sa ginaganap na sesyon sa Kamara.

Naglabas si Quezon City Metropolitan Trial Court Judge Analie Oga-Brual ng bench warrant dahil sa hindi pagsipot ni Reyes sa arraignment nito sa kasong usurpation of official public function na inihain ng kalaban nito sa pulitika na si dating Rep. Lord Allan Reyes.

Samantala, sinabi ni Council of Philippine Affairs (COPA) Secretary General Pastor “Boy” Saycon, na sa paghahain ng CoC ay binalewala na ng mga kongresista ang kanilang karapatan na tumayo bilang kinatawan ng kanilang party-list group.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kabilang sa mga ipinatatanggal sa roster ng Mababang Kapulungan sina Congressmen Roy Señeres (OFW Family), Neri Colmenares (Bayan Muna), Cresente Paez (COOP-Natco), Lorna Velasco (Ang Mata ay Alagaan), Luzviminda Ilagan (Gabriela Women’s Party-list), at Catalina Leonen Pizarro (ABS).

Si Señeres ay kandidato sa pagkapangulo, sa ilalim ng Partido ng Manggagawa at Magsasaka, habang sina Colmenares at Paez ay kandidato sa pagkasenador ng Partido ng Makabayan at independent candidate, ayon sa pagkakasunod.

Sinabi ni Saycon na tatakbo si Velasco sa pagkaalkalde ng Torrijos, Marinduque; si Ilagan sa pagkakonsehal sa Davao City; at si Leonen-Pizarro sa pagkaalkalde ng Sudipen, La Union. (Ben Rosario)