ANG Salary Standardization Law of 2015—na magiging RA 10149 kapag naging epektibo na—ay magtataas sa suweldo ng lahat ng kawani ng gobyerno sa pamamagitan ng apat na taunang umento hanggang 2019. Ang lahat ng government salary grades mula sa Salary Grade 1 hanggang sa pinakamataas, ang Salary Grade 33 para sa pangulo ng bansa, ay tataasan simula ngayong taon.
Ang pinakamababang sahod—para sa Salary Grade 1—ay itataas mula sa P9,000 kada buwan at magiging P11,068 sa loob ng apat na taon. Ang suweldo para sa Teacher 1 ay itataas mula sa P18,549 at magiging P20,754. Ang sahod ng presidente ay dadagdagan mula sa kasalukuyang P120,000, at magiging P388,096 na, bagamat hindi makikinabang dito sina Pangulong Aquino at Vice President Binay dahil sisimulang ipatupad ang umento sa susunod na presidente at bise presidente ng bansa.
Ngunit bakit nagbanta ang mga empleyado ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) na malaki ang posibilidad na magkaroon ng exodus o maramihang pagbibitiw sa tungkulin ng mga kawani ng PAGASA kapag naaprubahan ang nasabing panukala?
Ito ay dahil ang pinakapangunahing epekto ng panukala ay ang pagbaba ng kanilang suweldong iuuwi sa pamilya.
Maaaring itaas ang kanilang pangunahing suweldo, ngunit inaalis din ng RA 10149 ang mga insentibo na nakasaad sa Magna Carta Law for Science Workers, RA 8439, gaya ng buwanang subsistence, laundry allowance, at hazard at longevity pay. Ipinagkaloob ng RA 8439 ang mga insentibong ito sa mga science worker sa bansa noong 2014 sa gitna ng pag-aalisan ng maraming technical worker, kabilang ang mga weather forecaster, para sa mas mataas na sahod sa ibang bansa, para sa kaparehong trabaho.
Sa kabuuan, makabubuti ang Salary Standardization Law para sa mga kawani ng gobyerno, ngunit mahalagang matiyak na wala itong probisyon na magtatanggal ng mga benepisyo na matagal nang ipinagkakaloob, gaya ng tinatanggap ng mga kawani ng PAGASA na tumutupad sa maseselan at teknikal na tungkulin. Inaprubahan na ang panukala ng Senado at Kamara de Representantes at ang anumang pagbabago rito ay nakasalalay sa bicameral conference committee.
Nakalulungkot lang na sa paglikha sa nasabing batas, hindi napagtuunan ng ating mga mambabatas ang problemang inilahad ng mga science worker sa bansa. Maaaring piliin ng Kongreso na balewalain ang kanilang protesta, ngunit gaya nga ng banta ng mga kawani ng PAGASA, dapat na handa ang gobyerno sa maramihang pag-alis ng mga weather forecaster at iba pang manggagawang teknikal ng ahensiya.