Pinawi ng Malacañang ang pangamba ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Middle East na maaapektuhan ng bumababang presyo ng langis ang kanilang mga trabaho.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma, Jr. na kumpiyansa ang gobyerno na hindi mawawalan ng trabaho sa Middle East ang mga Pilipino na highly skilled at highly competitive sa kabila ng pagsadsad ng presyo ng langis at political tension sa ilang bansa sa rehiyon.
“The DoLE (Department of Labor and Employment) is confident that OFWs will continue to be employed under existing contracts,” sabi ni Coloma.
Inihalimbawa ng opisyal ng Palasyo ang polisiya sa “Saudization,” na wala namang naging malaking epekto sa antas ng posisyon ng mga OFW “as they have proved to be highly qualified and competitive.”
Tiniyak din niya na aktibong sinusubaybayan ng DoLE ang kasalukuyang sitwasyon sa Middle East, partikular na sa aspeto ng posibleng pagbawas ng mga OFW dahil sa bumababang presyo ng langis at iba pang kaganapan sa politika.
“According to (Labor) Secretary (Rosalinda) Baldoz, the DoLE has not monitored any major retrenchment activity that could possibly affect Filipino workers in Saudi Arabia and neighboring countries in the region,” sabi ni Coloma.
Gayunman, tiniyak ng Palasyo na mayroong mga alternatibong kabuhayan sakaling tumindi ang tensiyon sa Middle East, partikular na sa pagitan ng Saudi Arabia at Iran, at sakaling kakailanganin ang repatriation.
Mayroong halos 1.1 milyong OFW sa Saudi Arabia at 2.5 milyong Pilipino na nagtatrabaho sa Middle East.
(Madel Sabater-Namit)