MAHALAGA at natatangi ang buwan ng Enero sa mga taga-Baras, Rizal dahil tuwing sasapit ang nasabing buwan ay isang masaya, makulay, at makahulugan pagdiriwang ang kanilang isinasagawa para sa pagkakatatag ng kanilang bayan. Ngayong Enero 2016, kanilang ipagdiriwang ang ika-95 anibersaryo ng Baras. Ang pagdiriwang ay sinimulan ng prusisyon na dinaluhan ni Baras Mayor Catherine Robles, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, mga empleyado ng munisipyo, mga opisyal ng barangay at mga mag-aaral. Sinundan ng misa ng pasasalamat, job fair, pagpapailaw sa logo na BARAS @ 95, tree planting sa Barangay San Juan at medical at dental mission sa Bgy. Evangelista.

Bukod sa mga nabanggit kaugnay sa pagdiriwang ng ika-95 anibersaryo ng Baras, bawat araw sa buong buwan ng Enero ay may hinahandang iba’t ibang gawain.

Nagdaoas ng isang linggong Trade Fair/ Travel Mart sa municipal plaza tampok ang mga podukto ng mga magsasaka sa Baras at iba pang mga paninda. Sinundan ng “Private/Public Partnership Night” kung saan kinilala ang mga good taxpayer ng Baras. Ibinida naman ng mga taga-DepEd ang kanilang Likas-Saka Festival o street dancing competition at ang “Sikat Recital Night” ng University of Rizal System na itinampok ang isang kilalang grupo ng mang-aawit. Bahagi rin ng anibersaryo ang Baraseno Singing Contest.

Sa Enero 30, tampok naman sa pagdiriwang ang brass band (banda ng musiko) exhibition na isasagawa sa municipal plaza at sa gabi naman ay ang Serenata na dinarayo, at pinakikinggan hindi lamang ng mga taga-Baras kundi maging ng mga dumarayo para mapakinggan ang mga piling overture composition ng mga kilalang composer.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Sa Enero 31 idaraos ang concelebrated mass sa makasaysayang simbahan ng Baras na isa rin sa pinakamatandang simbahan sa eastern Rizal. Itinayo ito noong 1682 ng mga misyonerong paring Franciscano.

Ang Baras ay naging bayan ng Rizal noong Hunyo 11, 1901 at noong Enero 1, 1921, ang Baras na dating barangay ng Tanay ay naging isang munisipalidad sa pamamagitan ng Executive Order No. 57 na nilagdaan ni Governor General Francis Burton noong Disyembre 24, 1920. Mula noon hanggang ngayon, ang mga namumuno at mga mamamayan ay nagsikap para sa kaunlaran.

Sinasabing ang Baras ay hango sa salitang “barahan” na ang kahulugan ay punduhan o daungan dahil malapit ito sa Laguna de Bay. May nagsasabi naman na hango ito sa pangalan ng isang paring Kastila na si Father Francisco Barasohan na nakilala dahil sa kanyang kabutihan sa mga mamamayan. (CLEMEN BAUTISTA)