Hindi totoo ang sinasabi ni University of Santo Tomas coach Bong de la Cruz at ng ilan sa kanyang mga dating manlalaro na nagtapos na ngayong taon ang playing years sa UAAP hinggil sa turingan nilang iisang pamilya ang team na naglaro at nagtapos na runner-up noong UAAP Season 78 men’s basketball tournament.

Ganito humigit-kumulang ang lumalabas hinggil sa pinakahuling pangyayari na may kinalaman sa kontrobersiyang kinasasangkutan ni De la Cruz na nauna nang napabalitang sinibak bilang Tigers headcoach.

Sa lumabas na ulat mismo sa opisyal na pahayagan ng unibersidad, ang Varsitarian, nakaranas umano ng tinatawag na “physical” at “verbal abuse” ang ilang rookies ng koponan sa kamay ni De la Cruz at ng ilang mga senior players ng Growling Tigers.

Binanggit sa Varsitarian ang ilang mga sources sa kanilang ulat na kinabibilangan ng isang magulang ng dalawang dating manlalaro ng koponan na nagsabing nananakit si De la Cruz ng players at nagbibitiw ng ‘di magagandang mga salita sa ensayo at kahit na sa laro.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Sinasabi umano ng source na ngayon lamang sila lumantad dahil umaasa silang magkakaroon ng pagbabago sa pamamalakad at pagpapatakbo ni De la Cruz sa koponan.

Ang palagi umanong sinasabing pamilyang turingan ni De la Cruz sa koponan ng Tigers ay para lamang sa mga beteranong miyembro ng team dahil mayroon itong tinatawag na “favoritism”.

Sinabi rin ng source na inirereklamo si De la Cruz ng pambabato ng bola at pananakit ng mga players dahil lamang sa sumbong ng mga seniors players.

“Kalokohan, sumisigaw si coach Bong sa mga players kasi natural lang naman yun sa kahit na sinong coach, pero di sya nanakit,” ayon sa source na bahagi rin ng koponan na tumapos na runner-up noong nakaraang UAAP season.

Ngunit kahapon , isang insider na malapit naman kay De la Cruz ang nagsabing walang katotohanan ang mga paratang na ito.

Hanggang kahapon ay ayaw magbigay ng komento ni De la Cruz hinggil sa isyu at nagsabing magsasalita lamang siya kapag tapos na ang lahat na tinutukoy ang imbestigasyon na isinasagawa ng pamunuan ng unibersidad. (MARIVIC AWITAN)