Pinayagan ng Sandiganbayan Fourth Division si retired Police Director Eliseo de la Paz na pansamantalang makalabas sa piitan upang makadalo sa kasal ng kanyang anak na si Hannah Mae de la Paz kahapon.
Sa resolusyon na may petsang Enero 27, pinaboran ng anti-graft court si De la Paz na pansamatalang makalabas sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City para sa walong oras na furlough mula 2:00 ng hapon hanggang 10:00 ng gabi.
Pinayagan ng korte si de la Paz na makadalo hindi lamang sa kasal nina Alvin Paul Cotaco at Hannah Mae kundi maging sa wedding reception sa Rigodon Ballroom ng Manila Peninsula Hotel.
Inatasan ng Fourth Division ang retiradong heneral na balikatin ang lahat ng gastusin ng kanyang mga police escort at transportasyon sa pansamantala niyang paglabas sa piitan.
Unang nagsumite si De la Paz ng mosyon sa Sandiganbayan upang hilingin na payagan siyang makadalo sa kasal ng kanyang kaisa-isang anak.
Si De la Paz ay nahaharap sa kasong two counts of graft at two counts ng malversation kasama ang iba pang opisyal ng Philippine National Police (PNP) dahil sa umano’y ghost repair at maintenance ng V-150 armored fighting vehicles na nagkakahalaga ng P385 milyon.
Kabilang din si De la Paz sa mga tinaguriang “Euro General” matapos kumpiskahin sa kanila ang 105,000 euros (P6.9 milyon) na hindi nila naideklara sa customs authorities sa Moscow International Airport noong Oktubre 11, 2008.
(Jeffrey G. Damicog)