Pangungunahan ng dating New York Yankees pitcher na si Clay Rapada ang 28-kataong Philippine team na sasabak sa idaraos na 2016 World Baseball Classic (WBC) qualifier na gaganapin sa Pebrero 11 hanggang 14 sa Sydney, Australia.

Si Rapada na nakapasok sa opening day roster ng Yankees noong 2012, ay sasamahan ni catcher Brad Haynal at ng first baseman na si Angelo Songco, mga manlalaro sa minor leagues ayon sa inilabas na rosters ng WBC.

Kasalukuyang naglalaro si Haynal para sa Batavia Muckdogs habang si Songco ay parte ng Tulsa Drillers.

Si Tim Hulett, manager para sa Texas Rangers Single-A, ang siyang hahawak sa Philippine team na sasalang sa WBC qualifiers sa ikalawang pagkakataon.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kabilang din sa koponan sina Chris Aguila, Adriane Bernardo, Ernesto Binarao, JR Bunda, Leslie Cabiling, Brady Conlan, Edmer Del Socorro, Vladimir Eguia, Eric Farris, Taylor Garrison, Austin Haynal, Romeo Jasmin, Ryan Juarez, Ferdinand Liguayan, Juan Paolo Macasaet, Alfredo Olivares, Jennald Pareja, Ronel Peralta, Jonash Ponce, Devon Ramirez, Jon Jon Robles, Kevin Vance, Matt Vance, Diaz Vermon, at Joshua Wong.

Unang makakaharap ng Pilipinas sa torneo ang Australia sa Pebrero 11 sa pagsisimula ng modified double-elimination format tournament na nagpapahintulot sa mga manlalaro na makapaglaro na may dugo ng kanilang kinakatawang bansa kahit wala silang hawak na pasaporte ng nasabing bansa.

Ang magwawagi sa qualifier ay uusad sa “main tournament” na idaraos sa Marso 2017.