Bubuuin ng 26 na kabataang atleta na tinanghal na kampeon sa kani-kanilang sinalihang disiplina sa Batang Pinoy ang delegasyon ng Pilipinas sa una nitong paglahok sa 6th Children of Asia International Sports Games na gaganapin sa Yakutzk, Russian Federation sa Hulyo 5 hanggang 17.

Ito ang inihayag ni Philippine Olympic Committee (POC) Director at Grassroots Development Chairman Romeo Magat na siyang tatayong chef de mission ng delegasyon kasama sina Celia Kiram at PSC Batang Pinoy Program Director Atty. Ma. Fe “Jay” Alano.

Sasabak ang Pilipinas sa 9 mula sa kabuuang 22 sports na paglalabanan sa kompetisyon na isasagawa sa pangunguna ng International Olympic Committee at suportado ng Olympic Council of Asia sa Yakutsk, Sakha Republic (Yakutia).

“We will be joining in nine Olympics sports in our aim of producing young athletes that could represent us someday in the quadrennial Games,” ayon kay Magat.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

May 14 na Olympic at walong non-Olympic sports ang nakahanay sa naturang torneo na para sa mga kabataang atleta na edad 18-anyos pababa.

Nagpadala na si Magat ng pansamantalang listahan ng mga bubuo sa delegasyon na kinabibilangan ng 14 na lalaki at 12 babae kasama ang 10 coaches na nagkuwalipika base sa itinakdang basehan ng apat na kataong screening committee para sa torneo.

“Only gold medalists from the PSC program Batang Pinoy can participate,” sabi naman ni Alano. “Iyon kasi ang gusto ng mga organizers from Russia. But, If there are some that are personally handpicked by the NSA, these athletes must have played before in Batang Pinoy and must be gold medalist from a local or international tournament,” sabi nito.

Ang mga sports na paglalabanan sa 6th Children Of Asia ay ang basketball, boxing, volleyball, judo, kurash, table tennis, mas-wrestling, powerlifting, swimming, shooting, sambo, freestyle Wrestling, archery, skeet shooting, taekwondo, football, khapsagai, draughts, chess, rhythmic gymnastics, yakut jumps at track and field athletics.

(Angie Oredo)