NASA ikalimang buwan na ng pagbubuntis si Daniele Ferreira dos Santos nang igupo siya ng mataas na lagnat at nagkaroon ng sangkatutak na pulang marka sa kanyang balat.
Gumaling din siya kalaunan.
Makalipas ang ilang buwan, nagtungo siya sa ospital para sa regular na pagsusuri sa sanggol sa kanyang sinapupunan, at nabigla siya sa isang masamang balita: Nagkaroon ng matinding pinsala sa utak ang kanyang anak. Nang isilang sa mundo si Juan Pedro Campos dos Santos nitong Disyembre, ang sukat ng kanyang ulo ay nasa 26 sentimetro lang ang bilog, 20 porsiyentong mas maliit sa karaniwan.
Hindi natukoy na Zika ang sakit ni Santos, ngunit sinisisi niya ang virus sa naging kapansanan ng kanyang sanggol, at ang matinding epektong idinulot nito sa kanyang buhay. Nakatira sa bayan ng Recife sa hilaga-silangang estado ng Pernambuco, siya ay nasa pusod ng epidemya ng Zika, at kabilang si Pedro sa 3,400 hinihinalang kaso ng microcephaly na iniuugnay sa virus, bagamat hindi pa napatunayan ang direktang kaugnayan nito.
Orihinal na nagmula sa Africa, kumalat ang Zika sa Asia at unang naitala sa Brazil sa kalagitnaan ng nakaraang taon, kumalat na parang apoy sa hilaga-silangan ng bansa dahil na rin sa nakapanlulumong kahirapan, matinding init ng panahon, at hindi makontrol na pamemeste ng lamok na Aedes aegypti sa rehiyon. Ang nasabing lamok din ang nagkakalat ng mga nakamamatay na dengue at chikungunya.
“It’s the proverbial perfect storm,” sabi ni Dr. Albert Ko, propesor sa epidemiology sa Yale School of Public Health, idinagdag na ang rehiyon ay isa sa mga lugar na sinilangan ng sakit—na teorya ng mga mananaliksik ay dinala sa Brazil ng mga turistang bumisita sa bansa noong 2014 World Cup o ng mga nanood ng isang pandaigdigang canoeing event nang kaparehong taon.
Ang mga lamok ay matagal nang bahagi ng buhay ng pamilya Santos at ng kanilang mga kapitbahay sa nanlilimahid na komunidad ng Apipucos sa Recife, na malayang umaagos ang umaalingasaw na tubig ng poso negro sa mga kanal, lumilikha ng maruruming tubigan ang ulan na naiipon sa lubak, at naglutangan sa pampang ng kalapit na sapa ang sangkatutak na basura. Ang bawat basyo ng soda o yoghurt o mantikilya ay ideyal na tirahan at pagparamihan ng lamok Aedes.
Ngunit hindi sadyang ganito ang lugar. Minsan nang nagtagumpay ang Brazil sa pagsugpo sa Aedes, na sanay nang namemeste sa mga tao, nakatira sa paligid ng mga tao, at maaaring magpadami kahit sa plastic na takip lamang ng basyong bote sa kanal. Dahil sa malawakang pagsisikap para masugpo ang nasabing lamok noong 1940s at 1950s, naideklarang malinis na sa lamok ang bansa noong 1958, ngunit bumalik ang insekto sa nakalipas na mga dekada, at pasimpleng pineste ang marurumi at napabayaang mga lungsod sa Brazil, na limitado ang access sa malinis na tubig at hindi regular na nakokolekta ang basura. (Associated Press)