Napili ang Alaska star at Gilas Pilipinas standout na si Calvin Abueva bilang 2015 Sportsman of the Year ng SPIN.ph, ang unang “full-staff” at “standalone sports website” ng bansa.
Nakamit ni Abueva ang karangalan matapos ang kanyang hindi malilimutang performance sa kanyang debut para sa Gilas Pilipinas noong nakaraang taon nang isa siya sa manguna sa runner-up finish ng koponan sa Fiba Asia Men’s Championship na ginanap sa Changsha, China.
Pararangalan si Abueva sa isang seremonya na idaraos sa Ceremonial Hall ng Marriott Hotel Manila ngayong gabi.
Bukod kay Abueva, bibigyan din ng kaukulang parangal sa idaraos na SPIN.ph Sportsman of the Year awards night, na inihahandog ng PLDT Home-Ultera at ng Milo, ang napili nilang Top 10 Sports Heroes of 2015. Ito ay kinabibilangan nina Ateneo spiker Alyssa Valdez (Sportsmen Who Change the Game category), sports patron Manny V. Pangilinan (Sportsmen Who Make It Happen), parathlete Ernie Gawilan (Sportsmen Who Defy the Odds), the Letran Knights (Sportsmen Who Succeed As One), UP Maroons (Sportsmen Who Care), Donnie Nietes (Sportsmen Who Embody The Filipino Fighting Spirit), UP player JR Gallarza (Sportsmen Who Excel In Academics), Gilas coach Tab Baldwin (Sportsmen Who Take The Lead) at Kobe Paras (Sportsmen Who Inspire Hope).
Si Abueva, ang ikatlong recipient ng SPIN.ph Sportsman of the Year award, kasunod nina dating Gilas captain Jimmy Alapag at dating national coach Chot Reyes. (MARIVIC AWITAN)