Arestado ang dalawang lalaki na responsable umano sa pagnanakaw ng mamahalang electronic gadget ng mga estudyante sa Quezon City, iniulat ng pulisya kahapon.

Kinilala ng Quezon City Police District ang mga arestadong sina Lune Alfred Menguillan, 25, ng Batasan Hills; at Reyman Gozar, ng San Roque, Marikina City.

Dinampot si Menguillan ng pulisya matapos niyang tangayin umano ang cell phone ni Jomari Madarang, 18-anyos na estudyante, dakong 9:00 ng gabi noong Miyerkules. Naglalakad si Madarang sa Masbate Street nang lapitan siya ng suspek na armado ng ice pick at inagaw ang kanyang cell phone na nagkakahalaga ng P16,000.

Nang tangkaing maglaban si Madarang, dinibdiban siya umano ni Menguillan bago tinutukan ng ice pick sa leeg kaya wala nang nagawa ang biktima kundi iabot ang cell phone sa suspek.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Sa tulong ng mga barangay official, natukoy ng pulisya ang pinagtataguan ni Menguillan na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.

Samantala, naglalakad ang 19-anyos na si Claudia Jumelle Quinto kasama ang kanyang roommate sa Katipunan Avenue, Barangay Loyola Heights, Quezon City nang lapitan ni Gozar at biglang inagaw ang laptop ng biktima.

Nang magsisigaw si Quinto, napansin ito ng isang sekyu na agad namang rumesponde at inaresto si Gozar. Nang kapkapan, nakuha ng sekyu sa byywang ng suspek ang isang patalim. (Vanne Elaine P. Terrazola)