Hiniling ng Alliance for Consumerism and Transparency (ACTION) sa Office of the Ombudsman na suspendihin ang dalawang undersecretary ng Department of Transportation and Communication (DoTC) at iba pang opisyal ng ahensiya at Metro Rail Transit 3 na idinawit sa umano’y maanomalyang maintenance contract ng MRT 3.
Sinabi ni Vito Gaspar Silo, secretary general ng ACTION, na dapat suspendihin ang mga naturang opisyal upang hindi nila magamit ang kanilang posisyon bilang mga miyembro ng bids and awards committee ng DoTC at MRT 3 at maisulong ang bidding ng iba pang kontrata para sa mass transit system.
Naghain ang ACTION ng anim na pahinang motion for preventive suspension nitong Biyernes, isang araw matapos magsumite ng graft complaint laban kina Undersecretary for Planning Rene K. Limcaoco at Undersecretary for Administration and Procurement Catherine P. Gonzales.
Kabilang sa mga respondent sa reklamong katiwalian ay ang mga opisyal ng Busan Transportation Corporation, Edison Development and Construction Corporation, Tramat Mercantile, Inc., TMI Corporation, at Castan Corporation.
Si Limcaoco ang pinuno ng DoTC negotiating team na nagsagawa ng negotiated procurement para sa three-year MRT maintenance contract, habang si Gonzales ang tumayong vice-head ng negotiating team. (Jun Ramirez)