Magsisimula na ngayong darating na linggo ang aksiyon sa ikalawang semestre ng UAAP Season 78 sa tatlong magkakaibang sports sa Rizal Memorial Sports Complex sa lungsod ng Manila.

Mauunang magbukas ang softball na muling dinomina ng Adamson University sa ikalimang sunod na taon noong 2015 sa pamamagitan ng isang triple header sa Sabado sa Rizal Memorial Baseball Stadium.

Kasunod nito ang lawn tennis kung saan nagwagi ang National University men’s team sa ikatlong sunod na taon ay magbabalik sa bagong gawang Rizal Memorial Tennis Center sa nasabing na araw.

Kinabukasan,araw ng Linggo ay sisimulan naman ng Ateneo ang pagdidepensa sa kanilang titulo sa pagbubukas ng baseball tournament.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Hindi sasalang ang Lady Falcons sa opening day ng softball kung saan magtutuos ang nakarang taong runner-up University of the Philippines at ang Ateneo Lady Eagles ganap na 9:00 ng umaga na susundan ng salpukan ng University of the East at University of Santo Tomas ganap na 11:00 ng umaga, bago ang huling laro sa pagitan ng De La Salle at NU Lady Bulldogs ganap na 1:00 ng hapon.

Naghahangad para sa kanilang 6-peat at ika-63 sunod na panalo, makakasagupa ng Adamson University Lady Falcons ang Tigresses sa Lunes ng umaga.

May hawak ng record na 33 straight wins, ang ikalawang pinakamahabang winning streak sa UAAP sasagupain ng NU ang Ateneo sa pagbubukas ng tennis competition sa Courts 1, 2 at 3 ganap na 11:00 ng umaga kasunod ng laban ng Red Warriors atFighting Maroons ganap na 8:00 ng umaga habang magtutuos naman ang UST at De La Salle sa huling laban ganap na 2:00 ng hapon.

Sa women’s division magtutuos ang Tigresses at Lady Eagles sa Courts 4, 5 at 6, sa unang laban ganap na 8:00 ng umaga. Kasunod ang tapatan ng Lady Archers at Lady Maroons ganap na 12:00 ng tanghali.

Maghaharap naman ang Ateneo at Adamson sa tampok na laban ng baseball tripleheader na kinabibilangan din ng tapatang UP-UST at De La Salle-NU na sisimulan ng 7:00 ng umaga.

Ang finals ng lahat ng tatlong sports ay ipapalabas sa ABS-CBN Sports+Action. (Marivic Awitan)