Bilang paghahanda para sa pagbubukas ng 2016 MBL Open basketball championship, magpapatawag ng pulong ang pamunuan ng Millennium Basketball League (MBL) sa mga team managers at coaches ng mga kalahok na koponan sa torneo sa darating na Aabado sa Googel Sports Bar ganap na 8:00 ng gabi sa Liberty Center sa Shaw Boulevard,Mandaluyong City.

Nakatakdang dumalo sa nasabing pulong si MBL chairman Alex Wang gayundin si commissioner Anthony Sulit na inaasahang ipapaliwanag ang kanilang mga gagamitin at ipapatupad na mga bagong rules sa officiating.

“As in the previous years, we are leaving no stones unturned to ensure the success of our tournament, “ ayon kay Wang.

“This is the 16th year of MBL and we are happy to note that several outstanding teams and players, have played in the league,” paliwanag pa ni Wang na may koponang naglalaro sa PBA D-League at Fil- Sports Basketball Association.

Goodbye PBA? John Amores, tinanggalan na ng professional license!

Kabilang sa mga inaasahang dumalo sa isasagawang pulong sina Jerome Ngo at coach Rensy Bajar ng defending champion Gerry’s Grill-Diliman College, ang mag-asawang Erick at Cathy Kirong ng Macway Travel Club kasama ang kanilang coach na si Braulio Lim; Philippine Christian University-Naughty Needlez coach Elvis Tolentino at consultant nilang si Loreto Tolentino, Wang’s Ballclub-AMA University coach Mark Herrera, Jose Alcuzar ng New San Jose Builders at kanilang coach na si Jinino Manansala at si Andro Laurel ng Lyceum of the Philippines University at coach nilang si Topex Robinson.

Samantala, hinihintay pa ng pamunuan ng MBL kung lalahok ang mga inimbitahang koponan na kinabibilangan ng Franzie Cologne-Olivarez College, Arellano University, EARIST, Rizal Technological University, St. Clare College-Caloocan at De Ocampo Memorial Colleges gayundin ang University of Santo Tomas na kasalukuyang may “internal problem”.