BAGUIO CITY – Habambuhay sa piitan.

Ito ang hatol ni Judge Mia Joy Cawed, ng Branch 4 ng Baguio City Regional Trial Court, sa desisyong ibinaba kahapon laban kay Phillip Tolentino Avino, na pumatay sa limang katao, kabilang ang tatlong bata, noong Abril 6, 2014 sa isang apartment sa Kayang-Hilltop sa lungsod na ito.

Sinabi ni Cawed na kung may parusang kamatayan lang sa bansa ay ito ang igagawad kay Avino sa brutal nitong pagpatay sa mga bata.

Hinatulan si Avino ng reclusion perpetua at hindi maaaring pagkalooban ng parole sa limang bilang ng murder na isinampa laban dito.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Matatandaang gabi ng Abril 9, 2014 nang matagpuang tadtad ng saksak at wala nang buhay si Jacqueline Nociete, 19; kapatid niyang si Joey, 5; mga kalaro ng huli na sina Dave John de Guzman, 7; Raymund Delmundo, 9; at kasambahay na si Jonalyn Lozano, sa apartment na nirerentahan ni Vilma Nociete, ina ng dalawa sa mga biktima.

Batay sa awtopsiya, nagtamo si Jacqueline ng 17 saksak sa dibdib at likod, 15 ang saksak sa kapatid niyang si Joey, walo kay De Guzman, lima kay Delmundo, at 13 kay Lozano. (RIZALDY COMANDA)