“KAPAG pinilit ang isang foundling na patunayan ang hindi niya nakikilalang magulang, binabalewala natin ang ipinapalagay ng ating batas sa adoption na ang foundling ay Pilipino.“ pahayag ni Chief Justice Sereno sa abogado ni Sen. Grace Poe sa ikalawang pagdinig ng disqualification case ng huli sa Korte Suprema. Hindi lang naman tungkol sa citizenship ang isyu ng senadora, isyu rin ang hindi niya pagiging natural-born Filipino citizen na isa sa mga kuwalipikasyon ng tumatakbo sa panguluhan base na rin sa Saligang Batas. Sa kasong Castañeda vs. Yap, ang Korte Suprema mismo ang nagsabi na ang pagtatakda ng kuwalipikasyon para sa isang posisyon ay dikta ng public policy.
Public policy na ang natural-born Filipino citizen ay magiging tapat sa bansa sa pagganap ng tungkulin.
Pero, tanong naman ni Justice Leonen: Mayroon bang scientific finding na nagpapatunay na kapag hindi natural-born ay hindi na magiging tapat sa kanyang bayan? Kinukuwestiyon mismo ng mahistrado ang pagkakasulat ng natural-born sa Saligang Batas.
Ang Konstitusyon ang pinakamataas na batas sa ating bansa dahil ito ay nilikha ng sambayanan. Lahat ng batas, pati iyong ukol sa adoption na kumikilala ng foundling, ay sasailalim dito. Sa pagkukuwestiyon kung may scientific basis ang anumang nilalaman nito ay inaatake mo mismo ang taumbayan na siyang lumikha nito. Ang taumbayan ay may layunin sa bawat probisyong sinulat nila sa Saligang Batas. Kaya, sila lamang ang maaaring magbago, magpalit, o amyendahan ito. Walang sinumang mas makapangyarihan pa sa kanila para pangibabawin ang kanyang kaisipan o kuwestiyunin ang kanilang kakayahan, karanasan, at sentido kumon.
Ang hangarin ng mamamayan sa pagnanais na isang natural-born Filipino citizen ang kakandidato sa panguluhan ay sa dahilang magkakaroon sila ng kasiguruhan na kapag siya ang nahalal ay magiging tapat siya sa bayan sa paggnap niya sa kanyang tungkulin. Siya ay Pilipino o para sa Pilipino. Eh, ang pangulo pa naman ang pinakamataas na posisyon sa bansa.
Kahit ang isang ampon ay Filipino citizen na siyang lumalabas na kinikilingang posisyon ni CJ Sereno, sa mamamayang Pilipino na lumikha ng Saligang Batas ay wala itong kasiguruhan na nakikita nila sa isang natural-born. Ang mabigat pa para kay Sen. Poe, ay naglagi siya sa Amerika kung saan siya nag-aral, nagtrabaho at nagkapamilya. Nakasalumuha niya ang mga taong iba ang ugali at kultura. Ikalawa, nag-American citizen siya at itinakwil lang niya ito para makaupo siyang pinuno ng MTRCB. (RIC VALMONTE)