ITINAKDA noong nakaraang taon ang petsang Disyembre 16 para aprubahan ng Senado at ng Kamara de Representantes ang Bangsamoro Basic Law (BBL). Hindi ito naisakatuparan. Ang bagong target na petsa ay Pebrero 5. Ito ang huling araw ng paggawa ng batas sa kasalukuyang Sixteenth Congress. Muling magkakaroon ng sesyon sa Mayo 22—pagkatapos ng eleksiyon sa Mayo 9—upang magsilbing National Canvassing Board para sa bagong President at bise presidente ng Pilipinas, bago tuluyang mag-a-adjourn sa Hunyo 30.
Ang Pebrero 5 ay pitong araw na lamang mula ngayon—sa katunayan ay limang araw na may pasok sa Kongreso.
Maaaprubahan kaya ang BBL bago ang nasabing petsa? O hindi na ito tuluyang makakausad dahil sa ilang dahilan:
Una, naniniwala ang maraming mambabatas na maraming probisyon ng BBL ang labag sa batas. Sa katunayan, isinantabi na ng Senado ang orihinal na BBL at lumikha ng bersiyon—na napakalaki ng pagkakaiba—ng panukala. Kahit pa magawang maaprubahan ng Kamara ang orihinal na panukalang BBL, magkakaroon pa rin ng malaking laban sa bicameral coinference committee.
Ikalawa, ang BBL ay biktima ng trahedya sa Mamasapano. Apatnapu’t apat na tauhan ng Special Action Force ang napatay ng armadong mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), kasama ang Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at iba pang mga armadong grupo. Maraming opisyal, kabilang ang mga mambabatas, ang tumututol ngayong magkaloob ng anumang kompromiso sa MILF dahil sa insidente sa Mamasapano.
Ikatlo, ilang buwan na lang ang natitira bago ganapin ang eleksiyon at lahat ng kongresista, at kalahati ng mga senador ay ihahalal sa Mayo. Ngayong nahahati ang opinyon ng publiko dahil sa pagkamatay ng SAF 44 at sa pangkalahatang pang-unawa na hindi pa nakakamit ang hustisya, umiwas ang mga mambabatas sa mga sesyon ng Kongreso sa nakalipas na mga linggo, nangangambang ang pagboto nila pabor sa BBL ay maglalagay sa alanganin sa kanilang kandidatura.
Maliban na lang kung gagamitin ng Pangulo ang kapangyarihan niya sa pangungumbinse at kung makagagawa ng milagro ang liderato ng Kongreso, posibleng hindi makapasa ang BBL sa kasalukuyang sesyon ng Kongreso. Ngunit nananatiling hangarin ang programang pangkapayapaan sa Bangsamoro na kailangang pagsikapan ng ating mga opisyal at ng mga pinuno ng mamamayang Moro sa Mindanao. Pagkaupo ng bagong administrasyon sa puwesto sa Hunyo 30, dapat na agad nitong isulong ang inisyatibong ito, manalig sa matagumpay na pagsisikap sa nakalipas, at bigyang katuparan ang pinapangarap na kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao at sa buong bansa.