DAVAO CITY – Pinabulaanan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 11 na may kinalaman ito sa pagkakabunyag ng napaulat na “Great Raid” plot na sinasabing isasagawa sa lungsod na ito upang sirain ang imahe at pagkain ng kandidato sa pagkapangulo na si Mayor Rodrigo Duterte.

“We are not part of any syndicate here,” sabi ni PDEA-11 Director Adzhar Albani, at binigyang-diin na magbibitiw siya sa tungkulin kung makapagsasagawa ng pagsalakay ang mga tauhan ng PDEA-National Capital Region sa rehiyon nang walang maayos na pakikipag-ugnayan sa kanyang tanggapan.

Sinabi ni Albani sa mga mamamahayag na naipaalam na niya kay PDEA Director General Arturo Cacdac, Jr. ang plano niyang magbitiw sa tungkulin sakaling maisagawa ang pinangangambahang operasyon nang walang koordinasyon sa kanyang tanggapan.

Nilinaw din niyang wala siyang namo-monitor na may shabu laboratory sa Davao City.

Probinsya

Lalaki, nanaksak matapos maingayan sa motorsiklo noong Bagong Taon

Nauna nang kinumpirma ng kampo ni Duterte ang tungkol sa “Great Raid”, na umano’y bahagi ng black propaganda ng ibang partido pulitikal laban sa alkalde.

Sinabi ni Duterte nitong Martes na ilang operatiba ng PDEA ang nagpaplanong magtayo ng isang shabu laboratory sa siyudad bago sasalakayin ito.

Sakaling matuloy ang Great Raid, nagbabala si Duterte ng matinding parusa laban sa mga nasa likod nito.

(Alexander D. Lopez)