Sinampahan ng kasong graft sa Office of the Ombudsman si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairman Erineo Maliksi dahil sa umano’y ilegal na paglalaan ng P2.151-milyon charity fund sa kanyang personal driver noong 2015.

Sa affidavit of complaint ng transparency watchdog na Filipino Alliance for Transparency and Empowerment (FATE), inakusahan si Maliksi ng pagbibigay ng “preferential treatment” sa kanyang driver at PCSO confidential agent na si Celestino Aman.

Bukod sa pagiging labag sa batas, iginiit ng FATE na hindi rin makatarungan ang naturang hakbang ni Maliksi dahil libu-libong pasyente ang nagtitiis na pumila araw-araw sa PCSO upang makakuha ng tulong pinansiyal.

Tinukoy sa reklamo na aabot sa P2.151-milyon halaga ng pondo ang iniutos ni Maliksi na ilabas para lamang sa pagpapagamot sa isang opistal ni Aman, at aabot sa P404,925 ang ibinayad para sa hospital room and board nito.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Ayon sa grupo, mismong si Maliksi pa umano ang nagsusulong na bilisan ang pagpapalabas ng naturang pondo.

“It is evident that there was preferential treatment to Mr. Aman being the driver of the respondent. Even going over the said letter, the amount also covers room and board in the amount of P404,925, which under the PCSO policy is not allowed,” pagdidiin ng grupo.

Nilinaw ng FATE na sa ilalim ng patakaran ng PCSO, bibigyan lamang ng tulong pinansiyal ang pasyente alinsunod na rin sa socio-economic status nito, at ito rin ang pagbabatayan ng makukuha nitong charity grant.

Sa kabila ng gamutan, binawian pa rin ng buhay si Aman noong Agosto 2015. (Rommel P. Tabbad)