Laro ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. San Miguel Beer vs. Alaska
San Miguel Beer, pipiliting umabot ang serye sa Game Seven.
Sa ikatlong sunod na pagkakataon, magtatangka ang Alaska na makamit ang pinakamimithing titulo ng 2016 PBA Philippine Cup sa muli nilang pagtutuos ng defending champion San Miguel Beer sa Game Six ng kanilang best-of-7 finals series ngayong gabi sa Araneta Coliseum.
Para naman sa Beermen, ngayong buo na muli ang kanilang roster sa pagbabalik ng pangunahing slotman na si Junemar Fajardo, pipilitin nilang itabla ang serye at maipuwersa ang “winner-take-all Game 7”.
Matapos mabigo sa kanilang hangad na mawalis ang serye noong Game Four kasunod ng natamo nilang 104-110 na kabiguan sa overtime, lamang pa rin naman ang Aces sa serye, 3-2 , kahit muling nabigo sa Game Five noong Miyerkules ng gabi sa larong matapos ulit sa extension, 73-86.
At ngayong 7:00 ng gabi, mas mabigat ang kanilang haharaping hamon na iuwi na ang pinakamimithing unang titulo sa All-Filipino conference lalo pa’t lumaro na para sa Beermen ang 6-foot-10 reigning MVP na si Fajardo na hindi inalintana ang panganib na posibleng lumala ang kanyang injury sa tuhod, matulungan lamang ang kanilang koponan.
Matapang na sinuway ni Fajardo ang utos ng kanilang coach na si Leo Austria na sa Game Seven na lamang ito maglaro kung magagawang tumabla ng Beermen mula sa dating 0-3 na pagkakaiwan.
“He insisted on playing,” ani Austria. “Win or lose, June Mar said he wanted to finish this conference inside the court, not on the bench.There’s nothing anybody could do about that.”
Sinikap siyang pigilan ng Aces ngunit gaya ng dati ay nagsilbi siyang malaking problema para sa kalaban mapa-opensa man o depensa dahil kitang-kita na nagbago at nag-adjust sa kanilang mga bitaw partikular sa “shaded lane” ang mga big men ng Alaska na sina Sonny Thoss, Calvin Abueva, at Vic Manuel.
Sa kabilang dako, malayo naman sa isip ng Aces ang inaasahan ng mga fans na pagbasak ng mga inihanda nilang mga lobo para ipagdiwang ang kampeonato.
Kinukuwestiyon ni Aces coach Alex Compton ang umano’y malaking pagkakaiba ng fouls at freethrows na iginawad sa dalawang koponan.
Sa Game Five ay natawagan ang Alaska ng 37 foul habang 17 lamang ang San Miguel Beer at nabigyan ng 35 freethrows ang Beermen kumpara sa 5 ng Aces.
“Those numbers kinda jump out of the stats,”ani Compton na nilinaw na wala siyang anumang gustong palabasin hinggil sa pagkukumparang ginawa niya sa mga statistics.
“I am just pointing out facts,” dagdag pa ni Compton.
Sakaling mabigo muli ang Alaska, magaganap ang winner-take-all Game Seven sa MOA Arena sa Pasay City sa Linggo, Enero 31. (MARIVIC AWITAN)