Ipinababasura ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan ang petisyon ni Senator Lito Lapid na humihiling na ibasura ang kinakaharap niyang kasong graft kaugnay ng P728-milyon fertilizer fund scam.

Paliwanag ng mga government prosecutor, hindi nila nilabag ang karapatan ni Lapid sa due process at sa mabilisang disposisyon ng kaso nito.

Ayon sa prosekusyon, hindi patas at akmang sabihin na tinutulungan ng Office of the Ombudsman ang kaso.

Ipinagtanggol din ng Ombudsman ang isinagawa nilang preliminary investigation sa alegasyon laban kay Lapid dahil isinagawa nila ito sa matagal na panahon bunsod na rin ng makapal na records at dami ng mga dawit sa usapin.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

“Senator Lapid wrongfully concluded that the Ombudsman started handling the case when it conducted a fact-finding investigation in 2006 into the supposed misuse of the public funds intended to help poor farmers,” bahagi ng 16 na pahinang opposition letter na iniharap ng mga ito sa anti-graft court.

Matatandaang kinasuhan ng katiwalian si Lapid makaraang aprubahan niya ang pagbili ng liquid fertilizers na sinasabing overpriced ng P4.3 milyon, noong gobernador pa siya ng Pampanga.

Ipinaliwanag pa ng Ombudsman na ang naturang halaga ay bahagi ng multi-milyon pisong fertilizer distribution project na sinasabing ginamit sa kampanya ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa halalan noong 2004. (Rommel P. Tabbad)