Ang magiging resulta ng isasagawang “Padyak para sa Kalikasan” ang isa sa mga pagbabasehan para alamin kung sinu-sino ang mga magiging kinatawan ng bansa sa gaganapin na World University Cycling na idaraos sa Tagaytay City sa Marso 16 hanggang 20.
Ang ikatlong edisyon ng karera na inorganisa ng Philippine Collegiate Cycling Competition sa koordinasyon ng Federation of School Sports Association of the Philippines (FESSAP), ay gaganapin sa Pebrero 7 sa San Isidro sa Gapan,Nueva Ecija.
Walong kategorya ang paglalabanan sa isang araw na karera na binubuo ng national collegiate cycling, Open team competition or pro race, executives, masters, amateur, women’s, mountain bike, at ang fun bike.
“It’s not the hardest route,but one of the most challenging for cyclists,” sabi ni PCCI President Mike Tampengco habang kasama si FESSAP cycling consultant Armando Bautista.
“Hindi naman yung mananalo dito lahat mag-qualifiy sa World University Cycling. But this will definitely be one of the basis for a cyclist to make it to the meet,” sabi ni Tampengco.
Iuuwi naman ng mga magwawagi ang personalized trophies na dinisenyo mismo ni Tampengco sa bawat kategorya.
(ANGIE OREDO)