SA wakas, nabigyan na rin ng katarungan ang pagkamatay ng isang lady reporter ng pahayagang Abante. Nahuli na ang hinihinalang salarin na ikinagalak ng mediamen sa Bataan.
Ang pinatay na lady reporter ay si Nerle Ledesma na pinagbabaril noong Enero 8 ng nakaraang taon sa Vacinal road ng San Rafael, Barangay Tuyo sa Balanga City. Isang masipag at matapang na reporter, si Ledesma ay aktibo sa pagtatanggol sa kanyang mga kabarangay kapag may inaapi. Dahil dito ay marami siyang nakakabanggang maimluwensiyang tao.
Ang nadakip na hinihinalang bumaril at nakapatay kay Ledesma ay si Inocencio “Bando” Bendo na dating miyembro at opisyal ng New People’s Army (NPA) na pagkatapos sumuko ay naging miyembro naman ng gun-for-hire. Nakatira si Bendo sa Samal, Bataan.
Ang pagkakadakip sa salarin ay ikinatuwa ni Gov. Albert Garcia sapagkat nangangahulugan umanong hindi nagtatagal at madaling masugpo ang anumang krimen sa Bataan.
Isang tinik itong nabunot sa dibdib ng pahayagan na madalas maging biktima ng mga karahasan at pagpatay. Mga pagpatay na kalimitan ay hindi nalulutas na ikinalulungkot ng mga miyembro ng media. Hindi iilan ang mga miyembro ng media: radio at television reporter at maging ang mga komentarista at mga kolumnista ng mga diyaryo sa mga lalawigan ang pinatay na karaniwan ay mga gun-for-hire ang pasimuno lalo na kapag ang apektado ay mga makapangyarihang pulitiko at mayayaman. Nagpapakahirap at nagsisikap para maihatid sa mga mamamayan ang katotohanan, mga pananamantala at pagnanakaw ng mga nasa puwesto pero ang nagiging kapalit ay ang kanilang buhay.
Kaya ang pagkakadakip sa hinihinalang pumatay kay Ms. Ledesma ay hindi lamang dapat ikatuwa ni Gov. Garcia kundi maging ng buong puwersa ng fourth estate sapagkat magkakaroon na ng hustisya ang pagkakapatay sa kanilang kapatid sa hanapbuhay. (ROD SALANDANAN)