IPINAGDIRIWANG ng Philippine National Police (PNP) ang ika-25 anibersaryo ng pagkakatatag nito ngayong araw.

Karaniwan na itong ginugunita sa pagtataas ng watawat, pagdaraos ng parada, at pag-aalay ng bulaklak sa Bantayog ng mga Bayaning Tagapamayapa sa Camp Crame national headquarters. Isinasabay din sa araw ng pagkakatatag ng PNP ang pagkakaloob ng pagkilala sa mga miyembro ng pulisya na nagpamalas ng katangi-tanging pagtupad sa kanilang tungkulin.

Itinatag ang PNP sa pagsasama ng Philippine Constabulary (PC) at Integrated National Police (INP). Ang PC ay itinatag noong Agosto 8, 1901, bilang isang insular police force sa ilalim ng rehimeng Amerikano. Noong Agosto 8, 1975, sa bisa ng Presidential Decree No. 765 ay itinatag naman ang PC-INP bilang pambansang puwersa ng pulisya.

Matapos ang 1986 EDSA Revolution, inaprubahan ang bagong Konstitusyon na nagtatag ng bagong puwersa ng pulisya, na “national in scope and civilian in character.”

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang RA No. 6975 (“An Act Establishing the Philippine National Police under a Reorganized Department of the Interior and Local Government”) ay pinagtibay noong Disyembre 13, 1990, at naging epektibo noong Enero 1, 1991. Naging operational ang PNP noong Enero 29, 1991, na binuo ng mga miyembro ng dating PC, ng INP, at piling kasapi ng mga pangunahing service unit ng Armed Forces of the Philippines, gaya ng Philippine Air Force Security Command, Philippine Coast Guard, Philippine Navy, at Philippine Army. Upang higit na maitaguyod ang PNP bilang isang mahusay na puwersang pampulisya, pinagtibay ang RA No. 8551 (“PNP Reform and the Reorganization Act of 1998”) noong Pebrero 17, 1998, na nag-amyenda sa ilang probisyon ng RA No. 6975. Sa bisa ng RA No. 8551, napasailalim ang PNP sa kontrol at pangangasiwa ng National Police Commission (Napolcom), isang sangay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa magkakaugnay na polisiya at programa. Ang kalihim ng DILG ang nagsisilbing ex-officio chairman ng Napolcom.

Pinagkalooban ng kapangyarihan ang PNP para magpatupad ng mga batas at ordinansa na may kaugnayan sa pagbibigay ng proteksiyon sa buhay at ari-arian, at pagpapakulong sa mga dinakip sa paglabag sa batas. Maaari itong italaga para magpatupad ng mga batas na may kinalaman sa halalan, sa agrikultura at kalikasan, at sa transportasyon sa lupa.

Nagpapalabas din ito ng mga lisensiya para sa pagmamay-ari ng mga baril at mga pampasabog, at nangangasiwa sa pagsasanay at operasyon ng mga security agency.

Ang mensahe ni PNP Chief Police Director-General Ricardo C. Marquez sa pagsisimula ng taon ay nagpapahayag ng kanyang hamon sa mamamayan sa buong taon—“[to] face 2016 as one strong, united force, willing to risk life and limb in the service of God, country, and the people” sa paninindigan nila sa motto na “To Serve and To Protect”, at inspirasyon ang pilosopiya ng PNP na “Service, Honor, and Justice.”