Sablay!

Ito ang paglalarawan ng Malacañang sa umano’y pagtatangka ni Sen. Juan Ponce Enrile na ibuhos ang sisi kay Pangulong Aquino sa pagkamatay ng 44 na police commando sa Mamasapano, Maguindanao, isang taon na nakalipas.

Iginiit ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na malinaw sa muling pagbubukas ng pagdinig ng Senado sa Mamasapano incident na kargada ni dating Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) Director Getulio Napenas ang palpak na operasyon sa Mamasapano.

“Epektibong natugunan at napabulaanan lang ang mga alegasyon ni Senador Enrile sa pagdinig kahapon,” pahayag ni Coloma sa press conference sa Malacañang.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Naisiwalat ang kawalan ng kaalaman ni Director Napeñas sa tunay na sitwasyon ng kanyang mga tropa sa Mamasapano at ang seryosong kakulangan ng koordinasyon sa pagitan niya at ng AFP na naging sanhi ng kapahamakan ng mga nasawing SAF 44,” dagdag ni Coloma.

Sa pagdinig sa Senado kamakalawa, sinabi ni Enrile na bigo si Pangulong Aquino na gumawa ng hakbang upang agad na makatugon ang puwersa ng gobyerno sa pag-atake ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa mga tauhan ng SAF sa Mamasapano noong Enero 25, 2015.

Iginiit din ng senador na tinangka rin ni Aquino na ‘ika nga’y “magtago sa palda” ni dating PNP chief Director General Alan Purisima upang makaiwas sa pananagutan sa pumalpak na operasyon laban sa teroristang si Zulkifli bin Hir, alyas “Marwan.”

Idinepensa ni Coloma ang Pangulo dahil ginawa umano nito ang lahat upang maisalba ang mga miyembro ng PNP-SAF habang naiipit sa bakbakan.

Itinanggi rin ng opisyal na naglabas si Aquino ng “stand down” order sa militar upang hindi ito makaresbak habang pinupulbos ang mga tauhan ng PNP-SAF ng mga rebeldeng grupo at terorista sa Mamasapano. (GENALYN KABILING)