Sinimulan na ng gobyerno ng United States ang pananaliksik para sa posibleng bakuna sa mosquito-borne Zika virus na pinaghihinalaang nagdudulot ng kakaibang birth defect sa mga sanggol, sa pagkalat nito sa Latin America.
Ngunit hindi ito magiging madali dahil karaniwang inaabot ng taon ang pagdebelop ng bakuna.
Samantala, hinimok ng Brazil ang mga katabing bansa nito na magkaisa para labanan ang Zika virus. Ang Brazil ang pinakamatinding tinamaan ng outbreak ng virus na sinisisi sa pagdami ng mga batang isinilang na may microcephaly o maliit na ulo.
Kumalat na ang Zika sa 20 bansa sa Latin America at inaasahan ng World Health Organization (WHO) na mahahawaan ang lahat ng bansa sa America, maliban sa Canada at Chile.
Kabilang ang Denmark at Switzerland sa dumaraming bansa sa Europe na nag-ulat ng Zika infections sa mga biyaherong mula sa Latin America. (AP/AFP)