Tiwala ang top diplomat ng Australia na ang isang international arbitration case na binoykot ng China ang mag-aayos ng gusot sa South China Sea.
Sinabi noong Martes ni Foreign Minister Julie Bishop na ang desisyon ng tribunal sa Hague sa kasong idinulog ng Pilipinas ay magiging “extremely important” na pahayag sa international principle.
Ayon sa kanya, kahit sinasabi ng Beijing na hindi ito maitatali ng desisyon, na inaasahang ilalabas sa huling bahagi ng taong ito, ang kapasyahan ng tribunal “will be embraced and upheld by all other nations with claims or interests in the region.”
Nagtayo ang China ng ilang artipisyal na isla upang isulong ang pag-angkin nito sa halos kabuuan ng South China Sea, na pangunahing daanan ng mga kalakal ng mundo. Sinasabi ng China na mayroon itong batayan sa kasaysayan, ngunit sumasalungat ito sa pag-angkin naman ng Pilipinas at Vietnam, at nagpatindi sa pag-aalala ng mundo sa mga intensiyon ng Beijing.
“In my mind that arbitration will settle once and for all the question of whether or not an artificial reef can create some kind of 12-nautical-mile buffer. Our belief is that it does not as a matter of international law,” sinabi ni Bishop sa isang seminar na inorganisa ng Center for a New American Security, isang Washington-based think tank.
Hindi kabilang ang Australia sa mga gobyernong may inaangkin sa South China Sea, ngunit sinabi ni Bishop na katulad ng US, sinusuportahan nito ang freedom of navigation and overflight. (AP)