Giniba ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang 20 barung-barong na hinihinalang bagsakan ng kontrabando sa tabi lang ng pader ng maximum security compound (MSC) sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, sa ika-14 na “Oplan Galugad”, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay BuCor Director Retired Gen. Rainer Cruz III, dakong 5:30 ng umaga nang sinimulang gibain ang mga barung-barong sa lugar dahil ilegal ang mga itong itinayo sa tabi ng pader ng MSC, at dito umano inihahagis ang mga kontrabando mula sa Bilibid.

Tiwala si Cruz na posibleng ang mga kasabwat na residente sa mga barung-barong ang dumadampot sa mga kontrabandong inihahagis ng mga bilanggo sa pader, lalo na kung may raid o pagsalakay ang BuCor.

Isa sa mga barung-barong ang natuklasang kumpleto sa mga gamit.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Samantala, sinalakay din ng BuCor personnel ang MSC at nakakumpiska ng mga yero, kahoy, pako, at iba pang construction materials, at labis na ipinagtataka ng mga opisyal ng ahensiya kung sa gate ng NBP idinaan ang mga ito.

Sinabi naman ni NBP Superintendent Richard Schwarzkopf na posibleng naisasabay ang mga nasabing gamit sa construction materials na hinihiling ng mga bilanggo para sa mga lehitimong pagawain, tulad ng pag-aayos ng selda o kubol.

Sinalakay din ng awtoridad ang mga selda at kubol sa Buildings 5 at 11 sa Quadrant 4 at muli silang nakasamsam ng appliances at electronics devices, improvised sex enhancer, maliit na aquarium na may tarantula, at ilang gramo ng hinihinalang shabu.

Muli ring ininspeksiyon ang mga dating magagarbong kubol ng tinaguriang VIPs sa Building 2 sa MSC, at ang dating solong inookupa ni Peter Co ay ipinagagamit na ngayon sa 15 nakatatandang preso. (BELLA GAMOTEA)